82. Si Judas Iskariote Nagkukuwento Kung papaano Niya Naipagbili ang mga Alahas ni Aglae kay Diomedes.

Enero 19, 1945.

¹Ang lugar ng palengke sa Jericho. Hindi ngayon umaga, bagkus gabi: isang napakainit na gabi ng tag-init sa paglubog ng araw. Ang tungkol sa palengke kaninang umaga, mga bakas na lamang ang makikita: mga labí ng mga gulay, tambak na mga dumi, mga dayaming nalaglag mula sa mga basket ng mga asno at mga basahan… Ang lahat puno ng langaw, at nangangasim sa init ng araw at nangangamoy nang nakapandidiri. Ang malaking liwasan ay wala kahit ano. May ilan-ilan na mga nagdaraan, ilang pala-away na makukulit na bata naghahagis ng mga bato sa mga ibon na nakahapon sa mga punungkahoy. Ang ilan na mga babae ay patungo sa pontanya. Wala nang iba pa.

Si Jesus ay dumating mula sa isang kalsada sa tabi, at tumitingin-tingin sa paligid. Wala pa Siyang nakikita na sino pa man. Siya ay naghihintay nang matiyaga, sumasandal sa katawan ng isang punungkahoy, at nakakita ng pagkakataon na magsalita sa mga bata tungkol sa karidad, na nagsisimula sa Diyos at mula sa Tagapaglikha ay bumababa sa lahat na mga nilikha.

«Huwag maging malupit. Bakit gusto ninyong inisin ang mga ibon sa himpapawid? May mga pugad sila sa itaas doon, at mayroon silang maliliit. Wala silang sinasaktan na sinuman. Binibigay nila sa atin ang kanilang mga siyap at kalinisan, sapagkat kinakain nila ang mga basurang naiiwan ng mga tao at ang mga insekto na nakasasamâ sa mga tanim at mga prutas. Bakit sugatan sila, o patayin sila, pinagkakaitan ang maliliit ng kanilang mga ama’t ina, o ang hulí ng kanilang mga maliliit? Matutuwa ba kayo kung ang isang masamang tao ay pumunta sa inyong bahay at sirain ito, o patayin ang inyong mga magulang, o ilayo kayo sa kanila? Hindi, hindi kayo magiging masaya. Bueno, kung gayon, bakit gawin sa mga inosenteng nilikhang ito ang ayaw ninyo na gawin sa inyong mga sarili? Papaano kayo makapagpipigil isang araw na makapanakit sa mga tao kung, mga bata pa lamang katulad ninyo ngayon, pinatigas na ninyo ang inyong mga puso, at nananakit sa mga walang-laban, mababait na maliliit na nilikha katulad ng mga ibon na ito? Hindi ba ninyo nalalaman na ang Batas ay nagsasabi: “Mahalin ang inyong kapwa bilang sila'y kayo mismo”? Ang sinuman na hindi nagmamahal sa kanyang kapwa ay hindi rin nagmamahal ni sa Diyos. At ang sinuman na hindi nagmamahal sa Diyos, papaano siya makapupunta sa Kanyang Bahay at manalangin sa Kanya? Baka sabihin ng Diyos sa kanya, at sinasabi Niya ito sa Langit: “Lumayas ka. Hindi kita kilala, Ikaw, Aking anak? Hindi, hindi kita anak. Hindi mo minamahal ang iyong mga kapatid, hindi ninyo nirerespeto sa kanila ang Ama Na naglikha sa kanila, kung gayon ikaw  ay hindi isang kapatid at isang anak, bagkus isang anak-sa-labas: isang anak-sa-labas sa Diyos, isang kapatid- sa-labas sa iyong mga kapatid”. Nakikita ninyo kung papaano magmahal ang Eternal na Panginoon? Sa buwan na malamig, ginagawa Niyang matagpuan ng maliliit na ibon ang mga kamalig na puno ng mga dayami, upang sila ay sana makapamugad doon. Sa mga buwan na mainit, pinoprotektahan Niya sila mula sa init sa pamamagitan ng mga dahon ng mga punungkahoy. Sa taglamig ang mga butil sa mga bukid ay natatakpan lamang ng lupa at madali para sa kanila na matagpuan ang mga ito at mapakain ang sarili nila. Sa panahon ng tag-init napapawi nila ang kanilang uhaw sa pamamagitan ng mga katas ng mga prutas, at nagtatayo sila ng solido, mainit na mga pugad sa pamamagitan ng dayami at ng lana na naiiwan ng mga tupa sa mga palumpong. At Siya ay ang Panginoon. Kayo, na maliliit na tao, nilikha Niya katulad ng mga ibon, at kung gayon kanilang mga kapatid sa sangnilikha, bakit ibig ninyong maging iba sa Kanya at isipin na maaari kayong maging malupit sa maliliit na mga hayop na ito? Maging maawain sa lahat, hindi pinagkakaitan ang sinuman ng nararapat sa kanya: kapwa sa pagitan ng mga tao at ng mga hayop, inyong mga katulong, inyong mga kaibigan at ang Diyos…»

«Guro?» tawag ni Simon «Si Judas ay dumarating.»

«… at ang Diyos ay magiging maawain sa inyo, at bibigyan kayo ng lahat ng kakailanganin ninyo, katulad ng Kanyang ginagawa sa inosenteng mga nilikhang ito. Humayo at dalhin ninyo ang kapayapaan ng Diyos.»

²Si Jesus ay ginagawa Niyang makaraan sa pagitan ng mga bata at ng ilang mga adulto na mga sumali na sa kanila, at naglakad patungo kina Judas at Juan, na mga nanggagaling sa isa pang kalsada. Si Judas ay masayang-masaya.  Si Juan ay ngumingiti kay Jesus… ngunit tila hindi napakasaya.

«Halikayo, halikayo, Guro. Sa palagay ko maganda ang aking nagawa. Ngunit sumama Kayo sa akin. Hindi posible ang magsalita rito sa kalsada.

«Saan, Judas?»

«Doon sa otel. Nagpareserba na ako ng apat na silid… o! walang espesyal na anuman, huwag mag-alala. Para lamang makapagpahinga sa isang kama pagkatapos ng labis na kapaguran sa loob ng lahat ng init na ito, at upang magkaroon ng isang makakain katulad ng mga tao at hindi katulad ng mga ibon nakadapo sa mga sanga, at upang makapag-usap din sa kapayapaan. Naibenta ko nang maganda ang mga alahas, hindi ba, Juan?»

Si Juan ay tumatango sa pagsang-ayon ngunit hindi labis na nananabik. Ngunit si Judas ay masayang-masaya tungkol sa kanyang ginawa na hindi niya napupuna na ni si Jesus ay hindi masayang-masaya tungkol sa komportableng mga tutuluyan o na si Juan ay mas lalo nang hindi nananabik tungkol sa kanyang mga transaksiyon. At siya ay nagpapatuloy: «Sa dahilan na naipagbili ko sa mas mataas na halaga kaysa sa aking inaasahan, sinabi ko: “Makatarungan lamang na kumuha ako ng kaunting halaga, sandaan na sentimos, para sa ating mga hihigan at makakain. Kung kami ay hapô, bagama’t lagi tayong may nakakain, si Jesus ay maaaring ganap nang hapô”. Katungkulan kong tiyakin na ang aking Guro ay hindi magkakasakit! Isang katungkulan ng pagmamahal, sapagkat minamahal Ninyo ako, at minamahal ko Kayo… May lugar din para sa Inyo at sa mga tupa» sabi niya sa mga pastol. «Inasikaso ko ang tungkol sa lahat.»

Si Jesus ay hindi nagsasalita ng kahit ano. Sinusundan Niya siya katulad ng iba. Dumating sila sa mas maliit na liwasan. Si Judas ay nagsabi: «Nakikita ba Ninyo ang isang bahay na wala kahit anong bintana sa kalsada at na may gayon kakitid na pintuan na ito ay nagmumukhang isang bitak? Iyan ay ang kay Diomedes, ang bahay ng platero ng ginto. Nagmumukha itong isang maralitang bahay, hindi ba? Ngunit may sapat na ginto sa loob niyan upang mabili ang buong Jericho at… ah!» si Judas ay tumatawa nang malisyoso… «kabilang sa lahat ng gintong iyan maraming mga alahas at mga plaka ang makikita, pati na rin ibang mga bagay pa, pag-aari ng pinaka maimpluwensiyang mga tao sa Israel. Si Diomedes… O! Lahat sila ay nagkukunwaring hindi nila siya nakikilala, samantalang lahat sila ay kaibigan niya: mula sa mga Herodian pababa hanggang sa… lahat. Sa liso, makinis na pader na iyan, maaaring isulat ng isa: “Misteryo at Lihim”. Kung ang mga pader na iyan ay makapagsasalita! Kung gayon hindi Kayo maiiskandalo sa pamamaraan na aking ginawa tungkol sa bagay na ito, Juan! Ikaw… ikaw ay mamamatay, mabibilaukan sa pagtataka at mga  pag-aatubili. Siya nga pala, Guro. Huwag na Ninyo ako muling ipadala na kasama si Juan sa ilan na mga gawain. Halos nasira niya ang lahat. Hindi siya makahalata ng pahiwatig, hindi niya mapasinungalingan ang mga bagay, samantalang sa mga tusong tao katulad ni Diomedes ang isa ay kailangan na mabilis at nagsasalita.»

Si Juan ay bumulong: «May sinasabi kang ilan na mga bagay. Labis na hindi inaasahan at labis na… labis na. Oo, Guro. Huwag na Ninyo akong ipadalang muli. Mabuti lamang ako sa pagiging mabait at mapagmahal…! ...»

«Maaaring hindi na muli tayo magkakaroon ng pangangailangan ng ganyang mga transaksiyon» tugon ni Jesus, seryosung-seryoso.

«Iyan ang otel sa banda roon. Halikayo, Guro. Ako ang magsasalita, sapagkat ako ang nag-ayos ng lahat.»

³Sila ay pumasok, at si Judas ay nagsasalita sa nangangasiwa, na nagdala na sa mga tupa sa isang establero, habang siya mismo ay dinadala ang mga panauhin patungo sa isang maliit na silid kung saan may dalawang papag, ilan na mga upuan at isang mesa na may hain na. Pagkatapos siya ay umalis.

«Sasabihin ko sa Inyo kung ano ang nangyari kaagad, Guro, habang inaayos ng mga pastol ang mga tupa.»

«Ako’y nakikinig.»

«Si Juan ay makapagsasabi kung ako ay nagsasalita ng katotohanan.»

«Hindi Ko iyan pinagdududahan. Walang panunumpa o saksi ang kinakailangan sa pagitan ng matatapat na tao. Sabihin mo sa Akin.»

«Dumating kami sa Jericho sa katanghalian. Kami ay basa ng pawis, katulad ng mga kargadong hayop. Ayaw kung isipin ni Diomedes na kami ay nasa mahigpit na pangangailangan. Kung kaya't una sa lahat, ako ay pumunta rito, pinalamigan ko ang aking sarili, nagsuot ako ng malinis na mga damit, at ginawa ko si Juan na ganyan din ang gawin. O! Ayaw niyang makarinig na ayusin at pabanguhan ang kanyang buhok. Ngunit naplano ko na ang aking mga gagawin, nang papunta ako rito. Noong halos gabi na, sinabi ko: “Tayo na”. Sa sandaling iyon, kami ay maayos nang nakapagpahinga at presko katulad ng dalawang mayaman na tao na nasa paglalakbay nang pagliliwaliw.  Noong kami ay halos parating na sa lungga ni Diomedes, sinabi ko kay Juan: “Laging sumang-ayon sa aking sasabihin. Huwag mo akong kukontrahin, at maging mabilis na makaintindi ng pahiwatig”. Ngunit sana iniwan ko siya sa labas! Hindi siya tumulong kailanman. Sa kabaligtaran... Mabuti na lang... dalawang tao ang katulad ng bilis ko, at nakaraos ako. 

Ang kolektor ng buwis ay papalabas ng kanyang bahay. “Mabuti” sinabi ko. “Kung siya ay papalabas, makikita natin ang pera at kung ano ang ibig kong pagkumparahan” Sapagkat ang kolektor ng buwis, bilang isang usurero at isang magnanakaw katulad ng lahat na mga katulad niya, ay laging may mga kuwintas na kinukuha sa pamamagitan ng mga pagbabanta at usurya mula sa mahihirap na tao na kanyang binubuwisan nang mahigit pa sa makatarungan, upang magkaroon ng marami na magagasta sa pagpipista at mga babae. At labis siyang mapagkaibigan kay Diomedes, na bumibili at nagbebenta ng ginto at laman... Kami ay pumasok matapos na maipakilala ko ang aking sarili. Sinabi ko: kami ay pumasok. Sapagkat may pagkakaiba sa pagitan ng pumunta sa pamasukan na bulwagan, kung saan siya ay nagkukunwaring gumagawa ng isang matapat na gawain, at ang pumunta sa silid sa ilalim ng lupa, kung saan doon niya ginagawa ang kanyang tunay na gawain. Ang isa ay kailangan na kilalang-kilala niya upang siya ay maipakilala roon. Noong ako ay kaagad niyang makita, sinabi niya: “Gusto mo bang magbenta ng mas marami pang ginto? Mahirap ang mga panahon ngayon, at kakaunti ang aking pera”. Ang kanyang dating lumang kuwento. Tumugon ako: “Ako ay hindi pumunta rito upang magbenta, bagkus bumili. Mayroon ka ba ng kahit anong alahas para sa isang binibini? Ngunit kailangan na sila ay maganda, mahalaga, mabigat, sa purong ginto!” Si Diomedes ay nagtaka. At nagtanong siya sa akin: “Kailangan mo ba ng babae?” “Hayaan mo na iyan” sinabi ko. “Sila ay hindi para sa akin. Sila ay para sa kaibigan ko na ito na magpapakasal at ibig na makabili ng mga alahas para sa kanyang minamahal na nobya”.

Sa puntong ito si Juan ay nagsimulang kumilos katulad ng isang bata. Si Diomedes, na nakatingin sa kanya, ay nakita siyang namula, at bilang isang maruming matanda, sinabi niya: “Ah! Ang bata napakinggan lamang niya na binanggit ang kanyang nobya, siya ay uminit na. Ang iyo bang babae ay napakaganda?” nagtanong siya. Tinukso ko si Juan upang magising siya, at maintindihan na huwag siyang tatanga-tanga. Ngunit siya ay tumugon: “Oo” na tila siya ay sinasakal at si Diomedes ay naging suspetsoso. Pagkatapos ako ay nagsalita: “Kung siya man ay maganda o hindi ay wala ka nang pakialam, matandang lalaki. Siya ay hindi kailanman magiging isa sa mga babae na dahil sa kanila ikaw ay pupunta sa impiyerno. Siya ay isang tapat na birhen, at malapit nang maging isang tapat na asawa. Ipakita mo sa amin ang iyong ginto. Ako ang kanyang abay sa kasal at katungkulan ko na tulungan ang bata-pang lalaki… Ako ay isang mamamayang Judaean”. “Siya ay isang Galilean, hindi ba?” Ang inyong buhok ay lagi kayong naipagkakanulo. “Siya ba ay mayaman?” “Oo, napakayaman”.

Kami pagkatapos ay pumunta sa ibaba, at si Diomedes ay binuksan ang kanyang mga kahon at mga lalagyan ng kayamanan. Ngunit sabihin ang katotohanan, Juan. Hindi ba’t tayo ay tila nasa Langit kasama ang lahat ng mga alahas at mga ginto? Mga kuwintas, mga girnalda, mga pulseras, mga hikaw, mga belo na ginto at mamahaling mga bato, mga pang-ipit sa buhok, mga hibilya, mga singsing… ah! anong karingalan! Na may labis na kayabangan, kinuha ko ang isang kuwintas na halos nakakatulad ng kuwintas ni Aglae, at ang mga singsing, hibilya, mga pulseras, lahat na katulad ng nasa loob ng aking bag, at gayon din karami. Si Diomedes ay nasorpresa at patuloy siyang nagtanong: “Ano! Ilan pa? Ngunit sino ang lalaki? At sino ang nobya? Isang prinsesa?” Nang nasa akin na ang lahat na gusto ko, sinabi ko: “Magkano?”.

O! Anong sunud-sunod na mga panimulang pag-ungol tungkol sa panahon, buwis, pakikipagsapalaran, magnanakaw! At isa pang sunud-sunod na pagtitiyak sa kanyang katapatan! At pagkatapos ang kanyang tugon: “Dahil lamang na ikaw ito. Sasabihin ko sa iyo ang katotohanan. Nang walang eksaherasyon. Ngunit wala ni isang sentimos na kakulangan. Gusto ko ng labindalawang talento”. “Magnanakaw!” sinabi ko. At ako'y nagpatuloy: “Tayo na, Juan. Sa Herusalem makakakita tayo ng isa na hindi kasing magnanakaw katulad niya” at nagkunwari ako na aalis. Ako'y kanyang hinabol. “Aking dakilang kaibigan, aking minamahal na kaibigan, halika, makinig sa iyong abang lingkod. Hindi ako makatatanggap ng mas kulang. Ito'y imposible. Tingnan. Magsisikap ako hanggan sa masira ko ang aking sarili. Gagawin ko ito sapagkat lagi mo akong pinararangalan ng iyong pagkakaibigan, at nagagawa mo akong makapagnegosyo nang maganda. Labing isang talento, ayan ka na. Iyan ang aking ibabayad kung bibilhin ko ang gintong iyan mula sa sinuman na nagugutom. Hindi magkukulang ni isang sentimos. Ito ay katulad ng pinadurugo ko ang aking mga ugat”. Hindi ba’t iyan ang kanyang sinabi? Ginawa niya ako na tumawa at nainis rin niya ako nang kasabay.

Noong makita ko na siya ay talagang disidido tungkol sa presyo, binigyan ko siya ng isang mabilis na pasok. “Maruming matandang tampalasan. Tandaan na ayaw kong bumili. Sa kabaligtaran, ibig kong magbenta. Ito ang ibig kong ibenta. Tingnan. Ito ay kasing ganda ng iyo. Ginto mula sa Roma sa pinakabagong uso. Bebenta ito katulad ng mainit na bibingka. Makukuha mo ito sa halagang labing isang talento. Eksaktong katulad ng hinihingi mo ng sa iyo. Ikaw ang nagtalaga ng presyo, at magbayad ka”. Napakinggan sana Ninyo siya. “Ito ay isang panlilinlang! Pinagtaksilan mo ang mataas na pagtingin ko sa iyo! Ibig mo akong sirain! Hindi ko mababayaran ang lahat na iyan!” siya'y sumigaw. “Tinantiya mo ang halaga niyan. Kung gayon magbayad!’” “Hindi ako makakabayad”. “Tingnan, dadalhin ko ito sa iba”. “Hindi, aking kaibigan, huwag”, at kanyang iniunat ang kanyang baluktot na mga kamay patungo sa tambak na ginto ni Aglae. “Bueno, kung gayon. Magbayad; kailangan kong hingin ang labindalawang talento. Ngunit makukontento na ako sa huling presyo na iyong hiningi”. “Hindi ko magagawa” “Usurero! Tingnan, ako ay may isang saksi rito at maisusuplong kita bilang isang magnanakaw…” at binanggit ko ang iba pang birtud niya na hindi ko uulitin alang-alang sa batang ito…

Sa wakas, sa dahilan na gustung-gusto kong makabenta at matapos na nang mabilis ang usapan, bumulong ako ng isang bagay sa kanyang tainga, isang bagay na hindi ko tutuparin… Ano ang halaga ng isang pangakong ginawa sa isang magnanakaw? At aking naisara ang usapan sa sampu at kalahati. Kami ay umalis habang siya ay umiiyak at inaalok ang kanyang pakikipagkaibigan at… mga babae. At si Juan ay halos umiiyak na. Ano naman ang problema kung iniisip nila na ikaw ay isang napakasamang tao! Wala, kung hindi ka naman talaga. Hindi mo ba alam na ang mundo ay ganyan, at na ikaw ay isang kabiguan sa mundo? Isang bata-pang lalaki na hindi kailanman nagkaroon ng kahit na anong karanasan sa babae? Sino sa akala mo ang maniniwala sa iyo? O kung sila ay maniwala sa iyo, ano ngayon! Ayaw kong isipin nila na ako ay kung ano ang kanilang iniisip tungkol sa iyo, kung maniwala sila na hindi ka nagmimithi ng mga babae.

Naririto, Guro. Bilangin Ninyo Mismo. Mayroon ako ng isang tumpok na mga sentimos. Ngunit ako ay pumunta sa tagabuwis at sinabi ko sa kanya: “Kunin ang basurang ito at ibigay mo sa akin ang mga talento na ibinigay ni Isaac sa iyo”. Iyan ang huling impormasyon na nakuha ko pagkatapos na maisara ang usapan. ⁴Ngunit ang huling sinabi ko kay Isaac-Diomedes ay: “Tandaan na ang Judas ng Templo ay wala na. Ngayon ako ay ang disipulo ng isang banal na tao. Magkunwari kung gayon na hindi mo ako kailanman nakita, kung mahal mo ang iyong buhay”. At nasa punto na ako na pilipitin ang kanyang leeg sapagkat binigyan niya ako ng isang matalas na sagot.»

«Ano ang kanyang sinabi sa iyo?» tanong nang malamig ni Simon.

«Sinabi niya: “Ikaw, disipulo ng isang banal na tao? Hindi ko mapaniniwalaan iyan kailanman, o makikita ko pagkaraan ang iyong banal na tao rito, humihingi ng isang babae”. Sinabi niya: “Si Diomedes ay isang matandang kahihiyan ng mundo. Ngunit ikaw ay isang bagong kahihiyan. At ako ay baka magbago pa, sapagkat ako ay naging ganito noong ako ay matanda na. Ngunit ikaw ay hindi magbabago. Ikaw ay ipinanganak na ganyan”. Maruming matanda! Pinasisinungalingan niya ang Inyong kapangyarihan, kita N’yo?»

«At bilang isang mabuting Griyego, nagsasalita siya ng katotohanan.»

«Ano ang ibig mong sabihin, Simon? Ako ba ang tinutukoy mo?»

«Hindi. Ang tinutukoy ko ay ang lahat. Siya ay isang tao na alam na ang ginto at ang mga puso ng mga tao ay magkatulad. Siya ay isang magnanakaw, ang pinakamarumi sa lahat na maruruming negosyo. Ngunit ang isa ay makakakita sa kanya ng pilosopiya ng dakilang mga Griyego. Alam niya ang tao, ang hayop na may pitong makasalanan na panga, ang pugita na sumasakal sa kabutihan, katapatan, pagmamahal at marami pang ibang mga bagay, kapwa sa sarili nito mismo at sa iba.»

«Ngunit hindi niya nakikilala ang Diyos.»

«At ibig mo ba siyang turuan?»

«Oo, tuturuan ko. Bakit? Ang mga makasalanan ang nangangailangan na makaalam tungkol sa Diyos.»

«Totoo. Ngunit… ang guro ay kailangan na kilala Siya upang maituro Siya.»

«At hindi ko ba Siya kilala?»

«Kapayapaan, Aking mga kaibigan. Ang mga pastol ay dumarating. Huwag natin balisahin ang kanilang mga kaluluwa sa pamamagitan ng inyong pag-aaway. Nabilang mo na ba ang pera? Tama na iyan. Tuparin mo ang lahat ng iyong ikinilos katulad ng pagtupad mo sa isang ito, at uulitin Ko itong muli, sa hinaharap, kung magagawa mo, huwag magsabi ng kasinungalingan, ni hindi upang isagawa ang isang mabuting gawain.»

⁵Ang mga pastol ay pumasok.

«Aking mga kaibigan. Naririto ang sampu at kalahating talento. Ang halaga ay kulang ng sandaan na mga sentimos na itinabi ni Judas para sa mga gastusin sa otel. Kunin ito.»

«Ibinibigay ba Ninyo ang lahat?» tanong ni Judas.

«Oo, bawat sentimos. Ayaw Ko ng kahit barya ng perang iyan. Nasa atin ang mga alay ng Diyos at ng matatapat na naghahanap sa Diyos… at hindi tayo kailanman magkukulang sa kung anuman ang kakailanganin. Maniwala sa Akin. Kunin ang pera at maging masaya, katulad na Ako ay masaya, para kay Juan Bautista. Bukas, kayo ay magtutungo sa kanyang kulungan. Ang dalawa sa inyo: ibig-sabihin si Juan at si Matthias. Sina Simon at Jose ay pupunta kay Elias upang mag-ulat sa kanya at maturuan para sa hinaharap. Alam ni Elias. Pagkatapos, si Jose ay babalik kasama si Levi. Ang tagpuan na lugar, pagkaraan ng sampung araw, ay ang Fish Gate sa Herusalem, sa pagsikat-ng-araw. At ngayon, tayo ay kumain at magpahinga. Bukas, pagsikat ng araw, Ako ay aalis kasama ang Aking mga disipulo. Wala na Akong kailangan na sasabihin sa inyo pansamantala. Pagkaraan, makaririnig kayo mula sa Akin.» At ang lahat ay naglalaho habang  pinipiraso ni Jesus ang tinapay.

(438)220810/042113

Sunod na kabanata.