83. Si Jesus Umiiyak Dahil kay Judas at si Simon Zealot Pinagiginhawahan Siya.

Enero 20, 1945.

Ang kabukiran kung saan naroroon si Jesus, ay matabang-mataba. May mariringal na mga taniman ng punungkahoy at mga úbasán, na may malalaking buwig ng ubas na nagsisimula nang magkulay ginto o rubi. Si Jesus ay nakaupo sa loob ng isang taniman ng punungkahoy, at kumakain ng ilan na mga prutas na inialok sa Kanya ng isang magbubukid.

Baka Siya ay katatapos pa lamang na magsalita, sapagkat ang mamâ ay nagsasabi sa Kanya: «Kasiyahan ko, Guro, na maalis ko ang Inyong uhaw. Ang Inyong disipulo ay nagsalita sa amin tungkol sa Inyong karunungan, gayunpaman, kami ay namamangha kapag kami ay nakikinig sa Inyo. Malapit katulad namin sa Banal na Siyudad, madalas kaming pumunta roon upang ipagbili ang aming mga prutas at mga gulay, at kami pagkatapos ay pupunta sa Templo at makikinig sa mga rabbi. Ngunit hindi sila nagsasalita nang katulad Ninyo. Madalas kaming umalis nagsasabing: “Kung ganyan iyan, sino ang maliligtas?” Sa Inyo, ito ay ganap na iba! O! Kami ay tila magagaan ang pakiramdam! Bagama’t mga adulto, katulad ng mga bata ang aming pakiramdam sa loob ng aming mga puso. Ako ay isang... magaspang na tao at hindi ako magaling sa pagsasalita na ako ay maiintindihan. Ngunit natitiyak ko na naiintindihan Ninyo ako!»

«Oo, naiintindihan Ko kayo. Ang ibig ninyong sabihin ay, bagama’t may adulto kayong kaalaman at ganap na katandaan pagkatapos ng pakikinig sa Salita ng Diyos, nararamdaman ninyo ang kasimplihan, pananampalataya at kadalisayan na nabubuhay muli sa loob ng inyong puso, na tila kayo ay bata muli, na walang pagkakamali o malisya, bagkus may labis na pananampalataya, katulad noong kayo ay dinala sa Templo sa unang pagkakataon ng inyong ina, o noong kayo ay nagdasal sa ibabaw ng kanyang mga tuhod. Iyan ang ibig ninyong sabihin.»

«Oo, iyan, iyan lang. Kayo ay masuwerte sapagkat kayo ay laging kasama Niya» sinabi niya pagkatapos kina Juan, Simon at Judas na mga nakaupo sa isang mababang pader, kumakain ng makatas na mga igos. At tinatapos niya nagsasabing: «At ako ay naparangalan sapagkat Kayo ay aking panauhin sa loob ng isang gabi. ²Hindi ako natatakot ng kahit anong kamalasan sa aking bahay, sapagkat pinagpalà Ninyo ito.»

Si Jesus ay tumugon: «Ang pagpapalà ay mabisa at tatagal kung ang mga kaluluwa ng mga tao ay matatapat sa Batas ng Diyos at sa Aking doktrina. Kung hindi ang pagbibigay ng grasya nito ay tumitigil. At ito ay makatarungan lamang. Sapagkat kung totoo na ang Diyos ay nagbibigay ng sikat ng araw sa mabubuti at masasama, na sila ay sana mabuhay, at na sila ay sana maging mas mabuti kung sila ay mabubuti, at sila ay sana magbalik-loob sa Diyos kung sila ay masasama, makatarungan din na ang pagprotekta ng Ama ay mapunta sa iba bilang isang kaparusahan para sa masasama, upang mapaalalahanan sila ng tungkol sa Diyos, sa pamamagitan ng ilang kirot.»

«Ang kirot ba ay hindi laging masama?»

«Hindi, Aking kaibigan. Ito ay masama sa isang pananaw ng tao, ngunit mula sa sobrenatural na pananaw ito ay mabuti. Napalalaki nito ang mga merito ng makatarungang mga tao, na tinatanggap ito nang hindi nawawalan ng pag-asa o nagrerebelde at inaalay nila ito, katulad na inaalay nila ang kanilang sarili nang may pagpapasa-Diyos, bilang isang sakripisyo upang makapagbayad-sala para sa kanilang sariling mga imperpeksiyon at sa mga pagkukulang ng mundo, at ito ay isang katubusan para sa mga hindi mabubuti.»

«Napakahirap na maghirap!» sabi ng magbubukid, na sinamahan na ngayon ng kanyang mga kamag-anak, mga sampu katao lahat, mga adulto at mga bata.

«Alam Ko na ang tao ay nahihirapan nito. At nalalaman na siya ay mahihirapan nang labis, ang Ama ay hindi binigyan ng kahit na anong kapighatian ang Kanyang mga anak. Ito ay dumarating kasama ang kasalanan. Ngunit hanggang kailan tatagal ang kapighatian sa mundo? Isang maikling panahon. Ito ay laging maikli, kahit na kung ito ay tumagal nang buong pamumuhay. Ngayon sasabihin Ko: hindi ba’t mas mabuti nang maghirap sa loob ng maikling panahon kaysa nang sa walang-hanggan? Hindi ba’t mas mabuti nang maghirap dito kaysa sa Purgatoryo? Isipin na ang oras doon ay napararami nang sanlibong beses sa isa. O! Sasabihin Ko sa inyong totoo: kailangan na huwag ninyong isusumpa ang kirot, bagkus pagpalain ito, at kailangan na tawagin ninyo ito na “grasya” at “awa”.»

«O! Ang Inyong mga salita, Guro! Ito ay kalugud-lugod sa amin katulad ng pinatamisan na tubig mula sa isang malamig na amphora sa isang tao na natigang sa uhaw sa tag-init. Talaga bang aalis Kayo bukas, Guro?»

«Oo, aalis Ako bukas. Ngunit babalik ulit Ako. Upang pasalamatan kayo sa inyong ginawa sa Akin at sa Aking mga kaibigan, at upang humingi sa inyo ng mas marami pang tinapay at kapahingahan.»

«Laging matatagpuan Ninyo iyan dito, Guro.»

³Ang isang lalaki na may isang asno na puno ng karga ng mga gulayin ay lumapit.

«Naririto na ako. Kung ang iyong kaibigan ay ibig nang lumakad... Ang Aking anak ay patutungo sa Herusalem para sa malaking palengke ng Parasceve¹

«Lakad, Juan. Alam mo na kung ano ang kailangan mong gawin. Sa loob ng apat na araw magkikita tayong muli. Ang Aking kapayapaan ay mapasaiyo.» Si Jesus ay niyayakap si Juan at hinahalikan siya. Si Simon ay gayon din ang ginagawa.

«Guro» sabi ni Judas. «Kung ako ay Inyong pahihintulutan, ibig kong sumama kay Juan. Ako ay nananabik na makita ko ang isang kaibigan. Siya ay pumupunta sa Herusalem tuwing Sabbath. Sasama ako kay Juan hanggang sa layo ng Bethphage at pagkatapos ako ay magpapatuloy nang mag-isa... Siya ay isang kaibigan ng aming pamilya... Alam N’yo na... ang aking ina ay sinabi sa akin...»

«Hindi kita tinanong ng kahit isang tanong, Aking kaibigan.»

«Nadudurog ang aking puso na kailangan ko Kayong iwanan. Ngunit sa loob ng apat na araw makakasama ako Ninyong muli. At ako ay magiging napakamatapat na magsasawa pa Kayo sa akin.»

«Makakalakad ka. Sa loob ng apat na araw, sa pagsikat-ng-araw, maging nasa Fish Gate. Paalam at harinawang ang Diyos ay bantayan ka.»

Si Judas ay hinahalikan ang Guro at lumapit sa maliit na asno na nagsimulang tumrote sa tabi ng maalikabok na daan.

Ngayon ay gabi at ang kabukiran ay naging tahimik. Si Simon ay pinagmamasdan ang mga magbubukid pinatutubigan ang kanilang mga bukid.

⁴Si Jesus ay hindi gumalaw mula sa lugar na Kanyang kinauupuan. Pagkaraan Siya ay tumayo, umikot sa likuran ng bahay, at naglakad sa tabi ng lootan. Ibig Niyang mag-isa. Siya ay pumunta sa kasing-layo ng isang palumpungan ng malalaking puno ng granada at mabababang palumpong, na sa palagay ko ay mga gooseberry. Ngunit hindi ako nakatitiyak, sapagkat walang mga bunga ng sarsamora sa mga ito at hindi ko kabisado ang mga dahon ng mga tanim na ito. Si Jesus ay nagtago sa likuran ng palumpungan. Siya ay lumuhod. Siya ay nagdarasal... at pagkatapos Siya ay yumuko na ang Kanyang mukha nasa lupa, sa damuhan at Siya ay umiiyak. Nabatid ko na Siya ay umiiyak dahil sa Kanyang malalim, paputul-putol na mga buntung-hininga. Isang nawawalan-ng-lakas ng loob na pag-iyak, walang mga hikbi, ngunit napakalungkot.

Mga ilang sandali ang dumaan. Ngayon ay takipsilim na. Ngunit hindi pa napakadilim upang hindi makakita. At sa loob ng malabong liwanag ang sirang porma ngunit matapat na mukha ni Simon ay biglang lumitaw sa itaas ng palumpong. Siya ay tumitingin sa paligid para sa kung anong bagay at nakita ang nakalugmok na pigura ng Guro, ganap na natatakpan ng Kanyang madilim na asul na manta na ikinalilito Siya sa maitim na lupa. Tanging ang Kanyang maliwanag na buhok at ang Kanyang magkadaop na mga kamay ang mapapansin: ang Kanyang mga kamay ay nakausli sa itaas ng Kanyang ulo na nakapatong sa Kanyang mga pupulsuhan. Si Simon ay tinitingnan Siya sa pamamagitan ng kanyang malalaking mababait na mata. Naiintindihan niya na si Jesus ay malungkot dahil sa Kanyang pagbubuntung-hininga at siya ay nakapagsalita: «Guro», sa pamamagitan ng kanyang makapal halos purpurang mga labì.

Si Jesus ay tumingala.

«Kayo ay umiiyak, Guro? Bakit? Maaari ba akong lumapit sa Inyo?» Ang pananalita ni Simon ay isa ng pagtataka at kapighatian. Siya ay tiyak na hindi isang magandang lalaki. Bilang karagdagan sa kanyang sirang mga pigura at sa kanyang madilim na olibong kutis, taglay niya ang maitim na ma-asul-asul na mga marka ng mga piklat gawa ng kanyang sakit. Ngunit ang kanyang sulyap ay napakagiliw na ang kanyang kapangitan ay nawawala.

«Halika, Simon, Aking kaibigan.»

Si Jesus ay nakaupo sa damuhan. Si Simon ay naupo sa tabi Niya.

«Bakit Kayo malungkot, Guro? Ako ay hindi si Juan at hindi ko maibibigay ang naibibigay sa Inyo ni Juan. Ngunit ibig kong bigyan Kayo ng lahat na posibleng kaginhawahan, at nalulungkot lamang ako na hindi ko ito magawa. Sabihin sa akin. Napalungkot ko ba Kayo sa loob ng mga nakaraang kaunting araw na ito hanggang sa punto na ikinalulungkot Ninyo ang makasama ako?»

«Hindi. Aking mabuting kaibigan. Hindi mo Ako kahit kailanman napalungkot mula pa noong unang sandali na makita kita. At sa palagay Ko hindi mo Ako kailanman paluluhain.»

«Bueno, kung gayon, Guro? Hindi ako karapat-dapat ng Inyong kompiyansa. Ngunit, dahil sa aking edad, maaari akong maging Inyong ama at nalalaman Ninyo kung gaano ako laging nananabik na magkaroon ng mga anak... Pahintulutan ako na haplusin Kayo na tila Kayo ay aking anak at hayaan akong maging isang ama at ina sa Inyo sa oras na ito ng kirot. Ang Inyong Ina ay ang Inyong pangangailangan ngayon upang makalimutan ang napakaraming mga bagay...»

«O! Oo! Ito ay ang Aking Ina!»

«Bueno, habang naghihintay na magkaroon ng kaginhawahan sa Kanya, pagkalooban ang Inyong lingkod ng lugod na madamayan Kayo. Kayo ay umiiyak. Guro, sapagkat may nagpalungkot sa Inyo. Sa loob ng mga ilang araw ang Inyong mukha ay katulad ng araw na pinadilim ng mga ulap. Lagi ko Kayong pinagmamasdan. Ang Inyong kabutihan ay itinatago ang sugat, na hindi sana namin kapootan siya na nanunugat sa Inyo. Ngunit ang sugat ay isang masakit at kapoot-poot na sugat. Ngunit sabihin sa akin, aking Panginoon: bakit hindi Ninyo alisin ang pinagsisimulan ng Inyong kirot?»

«Sapagkat ito ay magiging walang kabuluhan sa pantaong pananaw at hindi ito magiging mapagkawanggawa.»

⁵«Ah! Nalalaman Ninyo na ako ay nagsasalita tungkol kay Judas! Ito ay dahil sa kanya na Kayo ay naghihirap. Papaano Ninyo, Kayo, ang Katotohanan, natitiis ang sinungaling na iyon? Siya ay nagsisinungaling nang walang hiya-hiya. Siya ay mas mandaraya kaysa sa isang lobo at mas sarado kaysa sa isang bato. Siya ngayon ay umalis na. Para sa ano? Ilan na mga kaibigan ang mayroon siya? Nalulungkot akong iwanan ko Kayo. Ngunit ibig kong sundan siya at tingnan... O! Aking Jesus! Ang lalaking iyon... paalisin Ninyo siya, aking Panginoon.»

«Iyan ay walang kabuluhan. Kung ano ang mangyayari, ay mangyayari.»

«Ano ang ibig Ninyong sabihin?»

«Walang espesyal.»

«Pinabayaan Ninyo siyang makaalis nang may lugod, sapagkat Kayo ay nainis sa kanyang asal sa Jericho.»

«Iyan ay totoo, Simon. Sasabihin Ko sa iyong muli: kung ano ang mangyayari, ay mangyayari. At si Judas ay bahagi ng hinaharap na iyan. Kailangan na siya ay naroroon, din.»

«Ngunit sinabi sa akin ni Juan na si Simon Pedro ay labis na prangko at punó ng sigla... Titiisin ba niya si Judas?»

«Kailangan na tiisin niya siya. Si Pedro din ay nakatalaga para sa isang bahagi, at si Judas ay ang lona kung saan kailangan niyang habihin ang kanyang parte, o, kung mas gugustuhin mo, si Judas ay ang eskuwelahan kung saan si Pedro ay mas matututo kaysa sa sino pa mang iba. Ang mga tanga rin ay maaaring maging mabuti kasama si Juan at ang maunawaing mga kaluluwa katulad ng kay Juan. Ngunit mas mahirap na maging mabuti kasama ang mga taong katulad ni Judas, at maintindihan ang mga kaluluwang katulad ng kay Judas at maging isang doktor at pari para sa kanila. Si Judas ay ang inyong buháy na leksiyon.»

«Amin?»

«Oo. Inyo. Ang Guro ay hindi nasa lupa magpakailanman. Siya ay aalis pagkatapos na makain ang pinakamatigas na tinapay at mainom ang pinakamapait na alak. Ngunit kayo ay mananatili upang ipagpatuloy Ako... at kailangan na malaman ninyo. Sapagkat ang mundo ay hindi nagtatapos sa Guro. Mas tatagal pa ito, hanggang sa huling pagbabalik ng Kristo at sa huling paghuhukom sa tao. At sasabihin Ko sa iyong totoo na sa bawat Juan, Pedro, Simon, Santiago, Andres, Felipe, Bartolomeo, Tomas, mayroon man lamang na pitong mga Judas. At maraming marami pa!...»

Si Simon ay nag-iisip at tahimik. Pagkatapos sinabi niya: «Ang mga pastol ay mabubuti. Si Judas ay minamaliit sila. Ngunit minamahal ko sila.»

«Minamahal Ko at pinupuri Ko sila.»

«Sila ay mga  simpleng kaluluwa, katulad ng gusto Ninyo.»

«Si Judas ay namuhay sa bayan.»

«Ang kanyang tanging dahilan. Ngunit maraming tao ang namuhay sa mga bayan, subalit... ⁶Kailan Kayo magtutungo sa aking kaibigan?»

«Bukas, Simon. At Ako ay pupunta nang may lugod, sapagkat ito ay tayu-tayo lamang, ikaw lamang at Ako.  Naniniwala Ako na siya ay isang may pinag-aralan at may karanasan na tao, katulad mo.»

«At siya ay naghihirap nang husto... Sa kanyang katawan at mas higit pa sa kanyang puso. Guro... Ibig kong humingi sa Inyo ng isang pabor: kung siya ay hindi magsasalita sa Inyo ng tungkol sa kanyang paghihirap, pakiusap na huwag Kayong magtanong ng kahit na ano tungkol sa kanyang pamilya.»

«Hindi Ako magtatanong. Ako ay nasa panig ng mga naghihirap, ngunit hindi Ako namimilit sa kanino man ng kompiyansa. Ang mga luha ay karapat-dapat ng respeto.»

«At hindi ko ito nirespeto... Ngunit ako ay nalulungkot para sa Inyo...»

«Ikaw ay Aking kaibigan at nabigyan mo na ng pangalan ang Aking kapighatian. Ako ay isang di-kilalang Rabbi para sa iyong kaibigan. Kapag makilala niya Ako... diyan... Tayo na. Madilim na. Huwag natin papaghintayin ang ating pagod na mga maybahay. Bukas sa pagsikat-ng-araw tayo ay pupunta sa Bethany.»

                                                            ----------------------------------------

jesus sinab

⁷Si Jesus pagkatapos ay sinasabi Niya:

«Aking munting Juan, ilang beses Akong umiyak na ang Aking mukha nasa lupa dahil sa mga tao. At ibig ninyong maghirap nang mas kulang kaysa sa ginawa Ko?

Sa pagitan din ninyo, ang mabubuting tao ay nasa proporsiyon ng naroroon noon sa pagitan ng mabubuting tao at kay Judas. At habang ang isa ay mas nagiging mabuti, mas naghihirap siya. Ngunit para din sa inyo kinakailangan na matuto sa pamamagitan ng pag-aaral kay Judas, at sinasabi Ko iyan lalo na para sa mga may katungkulan para sa espirituwal na pangangalaga sa mga kaluluwa. Ang bawat isa sa inyo, mga pari, ay isang “Pedro”. At kailangan ninyong magpatawad at magpanatili. Ngunit gaanong kapangyarihan ng pag-obserba ang kailangan na mayroon kayo, gaanong pakikiisa sa Diyos, anong laking kirot ang kailangan na batahin ninyo at gaanong pagkukumpara sa pamamaraan ng Guro ang kailangan na gawin ninyo, upang maging isang pari katulad na ito ay ang inyong katungkulan na maging pari!

Ang ilan na mga tao ay maaaring isipin na ang Aking sinasabi ay walang silbi, pantao, imposible. Sila ang dating mga tao na tumatanggi sa pantao na mga pase ng buhay ni Jesus at ginagawa nila Akong isang nilikha na napakalayo sa pantaong pamumuhay upang maging isang dibinong nilikha lamang. Ano kung gayon ngayon ang nangyayari sa pinakabanal na Pagkatao, sa sakripisyo ng Ikalawang Persona sa pagiging laman? O! Ako noon ay totoong isang Tao sa pagitan ng mga tao. Ako noon ang Tao. At iyan kung bakit noon Ako naghirap nakikita ang traydor at ang walang-pasasalamat na mga tao. Iyan kung bakit nagbubunyi Ako dahil sa mga tao na nagmamahal sa Akin o nagbabalik-loob sa Akin. Iyan kung bakit nanginig at umiyak Ako sa harapan ng Aking patay na kaibigan². Ngunit alam Ko na tatawagin Ko siyang muli sa buhay at nagbunyi Ako nakikita ang kanyang kaluluwa na nasa Limbo na. Dito... nasa Akin ang Dimonyo sa harapan Ko. At hindi na Ako magsasalita pa.

Sundan mo Ako, Juan. Ibigay din natin sa mga tao ang regalong ito. At pagkatapos... pinagpalà ang mga makikinig sa Salita ng Diyos at magsisikap na gawin kung ano ang sinasabi nito. pinagpalà ang mga gustong makakilala sa Akin upang Ako ay mahalin. Sa loob nila at sa kanila Ako ay magiging isang pagpapalà.»

(444)130810/042213




¹ Parasceve - ang gabi bago ang Sabbath.

² Baka ang tinutukoy ni Jesus ay si San Jose. RLB.

 

 

Sunod na kabanata.