85. Si Jesus Bumalik sa Herusalem, at Nakinig kay Judas Iskariote sa Loob ng Templo at Pagkatapos Pumunta sa Gethsemane.

Enero 22, 1945.

¹Si Jesus ay kasama si Simon sa Herusalem. Ginagawa nilang makaraan sa pagitan ng isang pulutong ng mga nagtitinda at ng maliliit na asno na nagmumukhang isang prusisyon sa kalsada, at habang dumaraan sila sinabi ni Jesus: «Tayo ay umakyat sa Templo bago bumalik sa Gethsemane. Magdarasal tayo sa Ama sa Kanyang Bahay.»

«Iyon lamang, Guro?»

«Iyan lamang. Hindi Ako makapananatili. Bukas sa pagsikat ng araw ay nariyan ang pagkikita sa Fish Gate, at kung ang pulutong ay mamimilit, papaano Ako magiging malaya na makapunta roon? Gusto Kong makita ang iba pang mga pastol. Ipadadala Ko sila, bilang totoong mga pastol, sa buong Palestina, na sana maipon nila ang mga tupa at ang May-ari ng mga tupa ay sana makilala, kahit man lamang sa pangalan, upang kapag bibigkasin Ko ang pangalan na iyan, malaman sana nila na Ako ang May-ari ng kawan at sana pumunta sila sa Akin upang mahaplos.»

«Masarap na magkaroon ng isang Gurong katulad Ninyo! Ang mga tupa ay mamahalin Kayo.»

«Oo, mamahalin Ako ng mga tupa... ngunit hindi ang mga lalaking kambing... Pagkatapos na makita si Jonah, pupunta tayo sa Nazareth at pagkatapos sa Capernaum. Si Simon Pedro at ang iba pa ay naghihirap dahil sa matagal na ausensiya... Pupunta tayo upang gawin silang masaya at gawin ang ating mga sarili na masaya. Ang panahon din ng tag-init ay inuudyukan tayo na gawin iyan. Ang gabi ay ginawa upang magpahinga at ang mga may gustong makaalam tungkol sa Katotohanan kaysa magpahinga ay kakaunti. Tao... O! Tao! Andali niyang makalimot na siya ay may isang kaluluwa at iniisip niya at inaalala ang tungkol lamang sa kanyang katawan. Ang araw sa araw ay nakakasunog. Pinipigilan nito tayong makapaglakbay at makapagturo sa mga liwasan at sa mga kalsada. Ito ay labis na nakakapagod na nagagawa ang mga kaluluwa na antukin katulad ng mga katawan. Kung kaya't... tayo na at turuan ang Aking mga disipulo. Pumunta tayo sa matamis na Galilee, mayaman sa berdeng mga bukid at sa malalamig na tubig. ²Nakarating ka na ba roon  kahit kailan?»

«Naparaan akong minsan, sa taglamig, sa loob ng isa ng aking masakit na mga perigrinasyon mula sa isang doktor patungo sa isa pa. Nagustuhan ko ito...»

«O! Ito ay maganda. Lagi. Sa taglamig at lalo na sa iba pang mga panahon. Ngayon, sa tag-init, ang mga gabi nito ay anghelikal... Oo, sila ay tila ginawa para sa mga paglipad ng mga anghel, napakapuro nila. Ang lawa... Ang lawa napalilibutan ng mga bundok, humigit kumulang malapit dito, ay tila ginawa para lamang sa pagsasalita tungkol sa Diyos at sa mga kaluluwang naghahanap sa Diyos. Iyon ay isang kapiraso ng kalangitan na bumagsak sa berdeng mga tanim, at ang kisame ng Langit ay hindi ito pinababayaan, bagkus ito ay nasasalamin dito kasama ang mga bituin, na sa gayon ay napararami... upang ipresenta sa Tagapaglikha nakakalat sa isang sapirong pinggan. Ang mga punong-olibo ay umaabot halos sa mga baybayin nito at punó ng mga ruwinsensor. At inaawit din nila ang kanilang mga papuri sa Tagapaglikha Na nagpapahintulot sa kanilang mamuhay sa loob ng isang matamis at tahimik na lugar.

At ang Aking Nazareth! Lahat nakakalat upang mahalikan ng araw, lahat puti at berde, kaakit-akit, sa pagitan ng dalawang higante ng Great Hermon at Small Hermon, at ng pedestal ng mga bundok na sumusuporta sa Tabor: isang pedestal na may magagandang berdeng dalisdis, na itinataas ang kanilang panginoon, madalas punó ng niyebe, patungo sa araw. Ang Tabor ay napakaganda kapag ang araw ay sumisinag sa tuktok nito, na pagkatapos magiging medyo kulay rosas na alabastro, samantalang sa kabilang tabi, ang Mount Carmel ay kakulay ng lapislazuli sa ilang mga kainitang oras, kapag ang lahat na mga ugat ng mga marmol o ng mga tubig, ng mga kagubatan at ng mga parang, ay lumilitaw sa kanilang iba't ibang mga kulay: at ito ay katulad ng isang magiliw na amatista sa pagsikat ng araw. Sa gabi, sa halip, ito ay biyoletang-kalangitang berilo at isang solidong bloke ng sardonise kapag pinakikita ito ng buwan na lahat itim sa kanyang mala-gatas na platang liwanag. At sa mas malayo pa sa ibaba, sa timog, ay ang matabang mabulaklak na kapatagan ng Esdraelon.

At pagkatapos... pagkatapos, o! Simon! May isang Bulaklak diyan! May isang Bulaklak na naninirahan nang nag-iisa, humahalimuyak sa kadalisayan at pagmamahal para sa Kanyang Diyos at sa Kanyang Anak! Nandoon ang Aking Ina. Makikilala mo Siya, Simon, at pagkatapos masasabi mo sa Akin kung mayroon pang ibang nilikhang katulad Niya, sa pagkataong kayumihan din, sa lupa. Siya ay maganda, ngunit ang lahat ay nalalampasan ng kung ano ang nagmumula sa loob Niya. Kung ang isang hayop ay aalisan Siya ng lahat ng Kanyang damit, sisirain ang Kanyang hitsura at papapaglakarin Siyang paikot sa paligid, lalabas pa rin Siyang Reyna sa loob ng isang maharlikang damit, sapagkat ang Kanyang kabanalan ay tatakpan Siya katulad ng isang manta at gagawaran Siya ng dingal. Ang mundo ay makagagawa sa Akin ng lahat ng posibleng kasamaan, at patatawarin Ko ang mundo sa lahat, sapagkat upang makapunta sa mundo at tubusin ito, Siya ay napasa-Akin, ang mapakumbaba at dakilang Reyna ng mundo, Na hindi nakikilala ng mundo, ngunit sa pamamagitan Nino tinanggap nito ang Mabuti at tatanggap pa nang mas marami pa sa buong mga siglo.

Naririto na tayo sa Templo. Ating sundin ang Judaic na porma ng pagsamba. Ngunit sasabihin Ko sa iyo na ang totoong Bahay ng Diyos, ang Banal na Kaban, ay nasa Kanyang Puso, na ang nakatakip dito ay ang Kanyang kadali-dalisayang laman at ang mga burda nito ay ang lahat ng Kanyang mga birtud.»

³Sila ay nakapasok na at naglalakad sa unang palapag. Nilampasan nila ang isang balkonahe, patungo sa isang mas mataas na palapag.

«Guro, tingnan, si Judas ay nasa loob ng pulutong ng mga tao. At mayroon ding ilang mga Pariseo at mga miyembro ng Sanhedrin. Ako ay pupunta at pakikinggan ko kung ano ang kayang sinasabi. Makakapunta ba ako?»

«Lakad. Maghihintay Ako sa iyo sa Great Porch.»

Si Simon ay umalis nang mabilis at siya ay tumayo kung saan makaririnig siya nang hindi siya nakikita.

Si Judas ay nagsasalita nang may matatag na paniniwala: «... at may mga tao rito na kilala ninyong lahat at iginagalang, na makapagsasabi sa inyo kung sino ako. Bueno, sasabihin ko sa inyo na nabago Niya ako. Ako ang unang natubos. Marami sa inyo ang nagpipitagan kay Juan Bautista. Pinagpipitagan din Niya siya, at tinatawag siyang ang “santo na kapantay ni Elijah dahil sa kanyang misyon, ngunit mas mahigit pa kay Elijah”. Ngayon, kung si Juan ay ganyan, Siya Na tinatawag ni Juan na “ang Kordero ng Diyos” at sa ngalan ng kanyang kabanalan isinusumpa niya na nakita niya Siyang kinukoronahan ng apoy ng Espiritu ng Diyos habang ang isang tinig mula sa Langit ay pinoproklama Siyang ang “Pinakamamahal na Anak ng Diyos na kailangan pakinggan”, ay maaaring walang iba bagkus ang Mesiyas. At Siya nga. Isinusumpa ko ito. Ako ay ni hindi isang magaspang o isang tangang tao. Nakita ko ang Kanyang mga ginagawa at napakinggan ko ang Kanyang mga salita. At sasabihin ko sa inyo: Siya ito: ang Mesiyas. Ang mga hinala ay pinagsisilbihan Siya katulad na pinagsisilbihan ng isang alipin ang kanyang panginoon. Ang mga sakit at kasawiang-palad ay nawawala katulad ng mga patay na bagay at napapalitan ng lugod at mabuting kalusugan. At ang mga puso ang mas lalong nagbabago kaysa sa mga katawan. Kayo ang magsasabi sa akin. Mayroon ba kayong mga may-sakit na tao o mga kirot na kailangan mapaginhawahan? Kung mayroon man, pumunta sa Fish Gate bukas na umaga pagsikat ng araw. Siya ay mapupunta roon at gagawin kayong masaya. Pansamantala, naririto, sa ngalan Niya binibigay ko ang tulong na ito sa mahihirap.»

At si Judas ay nag-aabot ng ilang mga sentimos sa dalawang pilay at sa tatlong bulag na mga lalaki at pagkatapos pinipilit ang isang matandang babae na tanggapin ang huling mga sentimos. ⁴Kanyang pinauuwi na ang pulutong pagkatapos at nananatili siyang kasama si Jose ng Arimathea, si Nicodemus at tatlo pang ibang mga tao na hindi ko mga kilala.

«Ah! Ngayon ang aking pakiramdam ay maganda!» bulalas ni Judas. «Ako ay wala nang natira sa akin. Ako ay katulad ng gusto Niyang maging ako.»

«Para sabihin ko sa iyo ang totoo, hindi na kita nakikilala pa. Akala ko iyon ay isang biro. Ngunit nakita ko na ikaw ay nasa pananabik» bulalas ni Jose.

«Ako ay nasa pananabik. O! Ako ang una na hindi makakilala sa aking sarili. Ako ay isa pa ring maruming hayop kompara sa Kanya. Ngunit nagbago na ako nang malaki.»

«At ikaw ba ay hindi na magiging pag-aari ng Templo?» tanong ng isa sa di-kilalang mga lalaki.

«O! Hindi. Ako ay pag-aari ng Kristo. Ang sinuman na lalapit sa Kanya, ay bagkus upang mahalin Siya, maliban kung ang isa ay totoong masamâ. At ang isa ay walang ibang hinihiling bagkus Siya.»

«Siya ba ay hindi na ulit pupunta rito?»

«Siyempre pupunta Siya. Ngunit hindi ngayon.»

«Ibig ko Siyang marinig.»

«Siya ay nagsalita na rito, Nicodemus.»

«Alam ko. Ngunit kasama ko noon si Gamaliel... Nakita ko Siya, ngunit hindi ako tumigil.»

«Ano ang sinabi ni Gamaliel, Nicodemus?»

«Sinabi niya: “Ilang bagong propeta”. Wala nang iba pa.»

«At hindi mo ba sinabi sa kanya kung ano ang sinabi ko sa iyo, Jose? Ikaw ay kanyang kaibigan...»

«Sinabi ko sa kanya. Ngunit siya ay tumugon: “Mayroon na tayong Juan Bautista at ayon sa doktrina ng mga Eskriba may isang taong man lamang ang pagitan sa isang ito at iyon, upang maihanda ang mga tao para sa pagdating ng Hari. Sasabihin ko na hindi aabot ng isang taon”, dinagdag pa niya, “sapagkat ang panahon ay ngayon kumpleto na”. At naghinuha siya: “Ngunit hindi ko matanggap na ang Mesiyas ay ibubunyag ang Kanyang sarili nang ganyan... Isang araw akala ko ang Messianic na manipestasyon ay malapit nang magsimula, sapagkat ang Kanyang unang sinag ay totoong isang makalangit na kislap. Ngunit pagkatapos... ay nagkaroon ng malaking katahimikan at sa palagay ko ako ay nagkamali”.»

«Subukan at magsalita sa kanya muli. Kung si Gamaliel ay kasama natin at ikaw kasama niya...»

«Hindi ko iyan ipapayo» pagtutol ng isa sa tatlong di-kilalang mga lalaki. «Ang Sanhedrin ay malakas at si Annas ang naghahari dito nang may-katusuhan at may-kasakiman. Kung gusto ng iyong Mesiyas na mabuhay, pinapayuhan ko Siya na mamuhay sa kalabuan. Maliban na lang kung igigiit Niya ang Kanyang Sarili nang may lakas. Ngunit pagkatapos ay naririyan ang Roma.

«Kung ang Sanhedrin ay napakinggan Siya, makukumberti sila sa Kristo.»

«Ah! Ah! Ah!» tawa ng tatlong mga estranghero at nagsabi: «Judas, naniniwala kami na nagbago ka na, ngunit akala namin ikaw ay matalino pa rin. Kung ang iyong sinasabi tungkol sa Kanya ay totoo, papaano ka nakapaniniwala na ang Sanhedrin ay susundan Siya? Halika, halika, Jose. Makakabuti para sa lahat sa atin. Harinawang bigyan ka ng proteksiyon ng Diyos, Judas. Kailangan mo iyan.» at sila ay umalis. Si Judas ay nananatiling nag-iisa kasama si Nicodemus.

⁵Si Simon ay nawala at pumunta sa Guro. «Guro, inaakusahan ko ang aking sarili ng isang kasalanan ng paninirang-puri kapwa sa aking mga salita at sa aking puso. Ang lalaking iyon ay nalilito ako. Akala ko siya ay halos isang kaaway Ninyo, ngunit napakinggan ko siyang nagsalita tungkol sa Inyo sa isang paraan, na kakaunti sa amin ang makagagawa, lalo na rito kung saan pipigilan ng poot una ang mga disipulo pagkatapos ang Guro. At nakita ko siyang nagbigay ng pera sa mga mahihirap, at sinubukan na kumbinsihin ang mga miyembro ng Sanhedrin...»

«Kita mo na, Simon? Natutuwa Ako na nakita mo siya noon-noon lamang. Sasabihan mo ang iba kapag inaakusahan nila siya. Ating pagpalain ang Panginoon para sa lugod na binibigay mo sa Akin, dahil sa iyong katapatan sa pagsasabing: “Ako ay nagkasala”, at dahil sa gawa ng disipulo, na tiningnan mong masamâ, na hindi naman siya.»

Sila ay nagdasal nang matagal, pagkatapos sila ay lumabas.

«Hindi ka ba niya nakita?»

«Hindi, natitiyak ko.»

«Huwag kang magsalita ng kahit ano sa kanya. Siya ay isang napakahinang kaluluwa. Ang papuri ay magiging katulad ng pagkain na binigay sa isang nagpapalakas na may-sakit dahil sa isang mataas na temperatura gawa ng problema sa tiyan. Palalalain siya nito, sapagkat ipagyayabang niya na siya ay napupuna. At kung saan pumapasok ang pagmamalaki...»

«Ako ay mananahimik. Saan tayo pupunta?»

«Upang makita si Juan. Sa ganitong init ng araw, siya ay mapupunta sa lootan ng mga punong-olibo.»

⁶Sila ay naglalakad nang mabilis, pumupunta hangga’t maaari sa malilim na mga pulô sa mga kalsada na umaapoy sa loob ng nanununog na araw. Tinatawid nila ang maalikabok na arabal at sa pamamagitan ng geyt sa pader lumabas sila patungo sa nakakasilaw na kabukiran, narating nila ang lootan ng mga punong-olibo at sa wakas ang bahay.

Sa kusina, na malamig at madilim dahil sa kurtina sa pintuan, ay naroon si Juan. Siya ay natutulog at si Jesus ay tinawag siya: «Juan!»

«Kayo, Guro? Inaasahan ko Kayo mamayang gabi.»

«Ako ay pumunta nang mas maaga. Papaano ka namuhay, Juan?»

«Katulad ng isang kordero na nawalan ng pastol nito. Nagsalita ako tungkol sa Inyo sa lahat, sapagkat ang magsalita ng tungkol sa Inyo ay nakakatulad ang nakakasama Kayo, kahit papaano. Nagsalita ako sa mga kamag-anak, sa mga kakilala, sa mga estranghero. Kay Annas din... At sa isang pilay, na dahil sa kanya nagkaroon ako ng mga kaibigan, sa pagbigay sa kanya ng tatlong sentimos. Sila ay binigay sa akin at binigay ko sila sa kanya. Nagsalita rin ako sa isang kaawa-awang babae, na umiiyak sa may pamasukan ng kanyang bahay, kasama ang isang grupo ng mga kababaihan. Tinanong ko siya: “Bakit kayo umiiyak?” Tumugon siya: “Sinabi sa akin ng doktor: ‘Ang iyong anak na babae ay may sakit na TB. Tanggapin mo na. Sa unang mga pagbagyo sa Oktubre siya ay mamamatay’ .Tanging siya lamang ang mayroon ako: siya ay maganda at mabuti, siya ay labinlimang taong gulang. Magpapakasal na sana siya sa tagsibol, ngunit sa halip na kanyang pangkasal na baul, kailangan kong ihanda ang kanyang libingan!” Sinabi ko sa kanya: “May kilala akong Doktor na mapapagaling siya para sa inyo, kung kayo ay may pananampalataya!” “Walang makapagpapagaling sa kanya ngayon. Tiningnan na siya ng tatlong doktor. Dumudura na siya ng dugo”. “Ang akin”  sinabi ko, “ay hindi isang doktor katulad ng sa inyo. Hindi Siya nanggagamot sa pamamagitan ng mga medisina. Bagkus sa pamamagitan ng Kanyang sariling kapangyarihan. Siya ay ang Mesiyas!” Ang isang maliit na matandang babae pagkatapos ay nagsabi: “O! Maniwala, Eliza! May kilala akong isang bulag na lalaki na ngayon nakakakita na dahil sa Kanya!” At ang babae ay nakalampas mula sa di-pagtiwala patungo sa pag-asa at Siya ay naghihintay sa Inyo... Nagawa ko ba ang tamang bagay? Iyan lamang ang nagawa ko.»

«Mabuti ang ginawa mo. Ngayong gabi pupunta tayo sa iyong mga kaibigan. Nakita mo na ba muli si Judas?»

«Hindi, Guro. Pinadalhan niya ako ng ilang pagkain at pera na aking binigay sa mahihirap. At nagpasabi siya na kailangang gamitin ko iyon, sapagkat iyon ay kanyang sariling pera.»

«Iyan ay totoo. Juan, bukas tayo ay magtutungo pagawing Galilee...»

«Natutuwa ako, Guro. Iniisip ko ang tungkol kay Simon Pedro. Ang Kabutihan ang nakaaalam kung gaano niya Kayo hinahanap-hanap! Dadaan din ba tayo sa Nazareth?»

«Oo, at tayo ay titigil doon sa paghintay kay Pedro, kay Andres at sa iyong kapatid na si Santiago.»

«O! Tayo ba ay mananatili sa Galilee?»

«Titigil tayo nang matagal-tagal.»

Si Juan ay masaya at ang lahat ay natapos sa kanyang kasayahan.

(454)210810/012913/042313

Sunod na kabanata.