9. Ang Kamatayan Nina Joachim at Anna.

Agosto 31, 1944.

jesus sinab

¹Sinasabi ni Jesus:

«Katulad ng isang mabilis na takipsilim ng taglamig kapag ang hangin na kasing-lamig ng yelo ay iniipon nito ang mga ulap sa kalangitan, ang buhay ng Aking mga lolo’t lola ay nagkaroon ng isang mabilis na paghina, pagkatapos na ang Araw ng kanilang buhay ay mailagay upang magningning sa harapan ng Sagradong Belo ng Templo. ²Ngunit ito'y sinasabi:

“Ang karunungan ay ang nagpapalaki sa kanyang sariling mga anak, at ang nag-aalaga sa mga naghahanap sa kanya.

 Sinuman ang nagmamahal sa kanya ay nagmamahal sa buhay, ang mga naghihintay sa kanya ay kalulugdan ang kapayapaan.

Ang mga naglilingkod sa kanya, ay naglilingkod sa Banal na Isa at ang Panginoon ay minamahal ang mga nagmamahal sa kanya. Kung ipinagkakatiwala niya ang kanyang sarili sa kanya mamanahin niya siya at ang kanyang mga inapu ay mananatiling tataglayin siya sapagkat sasamahan niya siya sa kanyang mga pagsubok.

Una sa lahat pipiliin niya siya, pagkatapos magdadala siya ng takot at pagkahilo sa kanya, inaararo siya ng kanyang disiplina, hanggang masubukan niya ang kanyang mga naiisip at mapagkakatiwalaan na siya.

Sa katapusan gagawin niya siyang matatag, dadalhin siyang muli sa tuwid na daan at gagawin siyang masaya.

Ibubunyag niya sa kanya ang kanyang mga lihim, ilalagay niya sa kanya ang mga kayamanan ng siyensiya, at ang kaalaman tungkol sa katarungan”.

Oo, ang lahat na ito ay sinabi. Ang mga aklat ng karunungan ay maaaring gamitin sa lahat na tao, na makakakita ng gabay sa mga ito at isang liwanag para sa kanilang asal. Ngunit masaya ang makikilalang mga kabilang sa espirituwal na mga mangingibig ng Karunungan.

Pinaligiran Ko ang Aking Sarili ng marurunong na tao, sa Aking pagkataong relasyon. Sina Anna, Joachim, Jose, Zachariah, at lalo na si Elizabeth, at pagkatapos si Juan Bautista, sila ba ay hindi tunay na marurunong na tao? Hindi na binabanggit ang Aking Ina, ang luklukan ng Karunungan.

Ang Karunungan ay pinasiglahan ang Aking mga lolo’t lola kung papaano mamuhay sa pamamaraan na maiibigan ito ng Diyos, mula sa kanilang kabataan hanggang sa kanilang kamatayan, at katulad ng isang kulandong na nagpoprotekta laban sa kabangisan ng mga elemento, ang Karunungan ay prenotektahan sila laban sa panganib ng kasalanan. Ang sagradong takot sa Diyos ay ang ugat ng púno ng karunungan, na nagpapasibol sa mga sanga nito nang malayo at malawak upang maabot ng tuktok nito ang matiwasay na pagmamahal sa kapayapaan nito, mapayapang pagmamahal sa siguridad nito, ligtas na pagmamahal sa katapatan nito, matapat na pagmamahal sa katindihan nito: ang totál, mapagbigay, epektibong pagmamahal ng mga santo.

“Sinuman ang nagmamahal sa kanya, ay nagmamahal sa búhay at mamanahin ang Búhay” sabi sa Ecclesiasticus. Ang pangungusap na ito ay kaugnay ng Akin: “Ang sinuman na nawawalan ng búhay alang-alang sa Akin, ay naililigtas ito”. Sapagkat hindi namin tinutukoy ang kaawa-awang buhay ng mundong ito, bagkus ang eternal na buhay, hindi ang mga lugod ng isang oras, bagkus ang inmortal na mga lugod.

³Minahal nina Joachim at Anna ang Karunungan nang gayon. At ang Karunungan ay nakasama nila sa kanilang mga pagsubok.

Ilang pagsubok ang kanilang dinaanan, samantalang kayo, mga tao, ay ayaw na kailangang maghirap at umiyak, sa simpleng dahilan na iniisip ninyo na hindi naman kayo ganap na masasama! Ilang mga pagsubok ang ipinaghirap ng dalawang makatarungang taong ito, at naging karapat-dapat na si Maria ang mapunta sa kanila bilang kanilang anak! Ang mga pang-uusig politikal ay napalayas sila sa lupain ni David, at nagawa silang sukdulan na mahirap. Naramdaman nila ang kalungkutan nakikita ang kanilang mga taon na naglalaho sa pamamagitan ng pagkawala ng isang bulaklak na magsasabi sana sa kanila: “Ako ang magiging tagapagpatuloy ninyo”. At pagkatapos, ang kabalisahan ng pagkakaroon ng anak sa kanilang katandaan kung kailan nakatitiyak sila na hindi Siya nila makikita kailanman na lumalaki sa pagiging dalaga. At pagkatapos ang pangangailangan na baklasin Siya sa kanilang mga puso upang ialay sa altar ng Diyos. At muli: ang kanilang buhay ay naging isang mas masakit pang katahimikan, ngayon na nasanay na sila sa siyap ng kanilang maliit na kalapati, sa ingay ng Kanyang maliliit na hakbang, sa mga ngiti at mga halik ng kanilang anak, habang kailangan nilang maghintay para sa oras ng Diyos, kung kailan ang kanilang tanging magiging kasa-kasama ay ang mga alaala na lamang ng mga nakaraan. At mahigit pa… Ang mga sakit, ang mga kalamidad ng masusungit na panahon, ang arogansiya ng malalakas na tao sa lupa… ang napakaraming dagok ng troso sa kanilang mahinang kastilyo ng kanilang katamtamang ari-arian. At ito ay hindi pa naging sapat: ang kirot para sa kanilang nasa-malayong anak, na maiiwang nag-iisa at mahirap at, na sa kabila ng kanilang mga pangangalaga at mga sakripisyo, ang makukuha na lamang ay ang tira-tira ng pag-aari ng Kanyang ama. At papaano Niya matatagpuan ang mga tirang ito, sa dahilan na ito ay maiiwan na hindi binubukid sa loob ng maraming taon, sa paghihintay para sa Kanyang pagbabalik? Mga takot, mga pagsubok, mga tukso. Subalit, katapatan sa Diyos magpakailanman!

Ang kanilang pinakamalakas na tukso: ang huwag pagkaitan ang kanilang humihinang buhay ng konsolasyon ng presensya ng kanilang anak. Ngunit ang mga anak ay pag-aari  ng Diyos muna bago pag-aari ng kanilang mga magulang. Ang bawat anak ay masasabi ang Aking sinabi sa Aking Ina: “Hindi ba Ninyo nalalaman na Ako ay kailangan na abalá sa mga gawain ng Aking Ama?” At ang bawat ama, bawat ina ay kailangan na matutunan ang aktitud na kailangang mapanatili tinitingnan si Maria at si Jose sa loob ng Templo, si Anna at si Joachim sa loob ng bahay sa Nazareth, isang bahay na lalu’t lalo pang nangungulila at nagiging malungkot, ngunit kung saan isang bagay ang hindi nababawasan, bagkus patuloy na nadaragdagan: ang kabanalan ng dalawang puso, ang kabanalan ng isang kasal.

Anong liwanag ang naiiwan kay Joachim, isang imbalido, at sa kanyang namimighating asawa, sa loob ng mahaba at tahimik na mga gabi ng dalawang matanda na ang kaninong pakiramdam sila ay malapit nang mamatay? Tanging ang maliliit na damit na lamang, ang unang pares ng maliliit na sandalyas, ang simpleng mga laruan ng kanilang maliit na anak, ngayon nasa malayo, at ang mga alaala tungkol sa Kanya, mga alaala… At ang kapayapaan kapag sinasabi nila: “Tayo ay naghihirap, ngunit ginawa natin ang ating katungkulan ng pagmamahal sa ating Diyos”.

⁴At pagkatapos sila ay napangibabawan ng isang sobrenatural na lugod nagniningning nang may selestiyal na liwanag, isang lugod na hindi alam ng mga anak ng mundo, isang lugod na hindi nawawala kapag ang mabibigat na pilikmata ay nagsasara sa dalawang namamatay na mata: sa kabaligtaran, ito'y nagniningning nang mas matingkad sa huling oras, tinatanglawan ang katotohanan na nakatago sa loob nila sa buong buhay nila. Katulad ng isang paru-paro sa loob ng bahay-uod nito, ang katotohanan sa loob nila ay nagbigay ng bahagyang mga indikasyon ng presensya nito, tanging mahihinang kislap lamang, subalit ngayon inilalantad ang mga pakpak nito sa araw at pinakikita ang magagandang dekorasyon nito. At ang kanilang buhay ay humayo sa loob ng katiyakan ng isang masayang hinaharap para sa kanilang sarili at sa kanilang mga inapu, ang kanilang nanginginig na mga labì bumubulong ng mga salitang papuri sa Diyos.

Ganyan ang kamatayan ng Aking mga lolo’t lola. Ganyan katulad na  iyon ang nararapat sa kanilang banal na pamumuhay. Dahil sa kanilang kabanalan, karapat-dapat silang naging ang unang mga tagapag-alaga sa Birhen Na Pinakamamahal ng Diyos, at tanging noong pinakita lamang ng mas dakilang Araw ang sarili nito sa katapusan ng kanilang mga araw, naliwanagan nila kung ano ang ipinagkaloob na grasya sa kanila ng Diyos.

⁵Dahil sa kanilang kabanalan, walang ipinaghirap na kirot si Anna sa kanyang panganganak sa kanyang sanggol: iyon ay ang lubos na kagalakan sa pagdadala sa Walang-Pagkakasalang Isa. Wala ni sinuman sa kanila ang nagkaroon ng paghihirap sa kamatayan, bagkus isang panghihina lamang na naglalaho, katulad ng isang bituin na unti-unting nawawala kapag ang araw ay tumataas sa bukang-liwayway. At kung hindi sila nagkaroon ng konsolasyon ng Aking presensya, bilang Karunungang Nagkatawang-Tao, katulad na nagkaroon si Jose, Ako ay naroroon nang hindi lamang nakikita, bumubulong ng dakilang mga salita, niyuyukuan ang kanilang mga unan, upang patulugin sila, habang hinihintay ang kanilang pananagumpay.

Maaaring may magtanong: “Bakit hindi sila kailangan na maghirap sa panganganak at kamatayan, samantalang sila ay mga anak ni Adan?” Ang Aking kasagutan ay: “Kung si Juan Bautista, na isang anak ni Adan, at ipinaglihi na may orihinal na kasalanan, ay napabanal Ko bago pa man sa loob ng sinapupunan ng kanyang ina, sa simpleng dahilan lamang na nilapitan Ko siya, wala bang grasya na ipagkakaloob sa ina ng Banal at Walang Pagkakasalang Isa, Na naipreserba ng Diyos at dinala sa Diyos sa loob ng Kanyang halos dibinong espiritu, sa Kanyang kadali-dalisayang puso, at hindi kailanman napahiwalay sa Diyos, mula noong Siya'y nilikha ng Ama at ipinaglihi sa isang sinapupunan, at pagkatapos tinanggap sa Langit upang taglayin ang Diyos sa kaluwalhatian magpasawalanghanggan? Tutugon din Ako: “Ang isang matuwid na konsiyensya ay nagbibigay ng isang mapayapang kamatayan at ang mga panalangin ng mga santo ay nakakakuha ng ganyang kamatayan para sa inyo”.

 Sina Joachim at Anna ay may isang buong pamumuhay ng matuwid na konsiyensya sa likuran nila at ang gayong buhay ay lumitaw katulad ng isang magandang tanawin at dinala sila nito sa Langit, habang ang kanilang Banal na Anak ay nagdarasal sa harapan ng Tabernakulo ng Diyos para sa Kanyang mga magulang sa malayo, na kanyang ipinagpaliban sa Diyos, Summum Bonum, gayunpaman minamahal Niya sila, katulad ng ipinag-uutos ng batas at ng Kanyang damdamin, nang may isang perpektong sobrenatural na pagmamahal.»

(48)280510/021713

Sunod na kabanata.