90.  Ang Sumunod na Araw sa Bahay sa Nazareth.

Enero 28, 1945.

¹Nakikita ko si Maria kumikilos sa paligid ng bahay, nakapaa at aktibo, sa pagsikat ng araw. Sa loob ng Kanyang malabnaw na asul na damit, kamukha Niya ang isang paruparo na magaan at walang-ingay na hinihipo ang mga pader at ang iba pang mga bagay. Pumunta Siya sa harapang pintuan at binubuksan ito nang maingat nang hindi gumagawa ng kahit anong ingay, iniiwan Niya itong medyo nakabukas, pagkatapos na tumingin sa wala-pa ring mga taong kalsada. Inaayos Niya ang Kanyang Sarili, binubuksan ang mga pinto at mga bintana, pumunta sa talyer, kung saan doon na Niya tinatago ang Kanyang mga habihan, mula noong ito ay inabandona ng Karpintero, at paparoo’t parito din doon sa paligid. Maingat Niyang tinatakpan ang isa sa mga habihan, kung saan ang isang paghahabi ay nasimulan na at ngumingiti Siya sa isa sa Kanyang mga naiisip, habang tinitingnan ito.

Siya ay lumabas patungo sa hardin. Ang mga kalapati ay nag-ipun-ipon. At nang may maiikling paglipad, mula sa isang balikat patungo sa isa pa upang magkaroon ng pinakamagandang lugar, palaaway at naninibugho sa Kanyang pagmamahal, sinasamahan nila Siya sa isang munting silid kung saan doon nakatago ang mga mákakain. Kumuha Siya ng ilang mga butil para sa kanila at nagsabi: «Narito, manatili ngayon dito. Huwag gumawa ng kahit anong ingay. Siya ay pagod-na-pagod!» Pagkatapos kumuha Siya ng ilang harina at pumunta Siya sa isang katapat na silid malapit sa batong hurnuhan at nagsimulang gumawa ng tinapay. Minamasa Niya ito at ngumingiti. O! Gaanong ngumingiti ang Ina ngayong araw. Katulad Niya ang bata-pang Ina ng Natividad, ang labis na lugod ay nagawa Siyang bata pang muli. Mula sa minamasang tapay kumuha Siya ng isang dakot at itinabi ito, tinatakpan ito, at pagkatapos ipinagpatuloy Niya ang Kanyang ginagawa, naiinitan, habang ang Kanyang buhok ay nagmumukhang mas maliwanag ang kulay habang nalalagyan ito ng kaunting pulbos ng harina.

Si Maria ni Alfeo ay pumasok nang tahimik. «Nagtatrabaho Ka na ba agad?»

«Oo. Gumagawa Ako ng tinapay, at tingnan: ang pulot na mga keyk na gustung-gusto Niya.»

«Gawin Mo ang mga keyk. Ang tapay ay napakalaki. Gagawin ko iyan para sa Iyo.»

Si Maria ni Alfeo, isang mas malusog na babaeng kabukiran, ay tinatrabaho ang tinapay nang may gana, habang si Maria ay naghahalô ng mantikilya at pulot sa keyk. Gumagawa Siya ng maraming bilugan-ang-hugis na keyk at inilalagay ito sa isang metal na pinggan.

«Hindi ko alam kung papaano ko pasasabihan si Judas... si Santiago ay ayaw mangahas... at ang iba...» si Maria ni Alfeo ay nagbubuntung-hininga.

«Si Simon Pedro ay darating ngayong araw. Lagi siyang dumarating na may isda sa ikalawang araw pagkatapos ng Sabbath. Ipadadala natin siya kay Judas.»

«Kung papayag siyang pumunta...»

«O! Si Simon ay hindi kailanman nagsasabi ng hindi sa Akin.»

²«Harinawang ang kapayapaan ay mapasa-araw na ito ninyo» sabi ni Jesus lumilitaw.

Ang dalawang babae ay nagulat napapakinggan ang Kanyang tinig.

«Gising Ka na kaagad? Bakit? Gusto Kong natutulog Ka...»

«Natulog Akong katulad ng isang bata sa kuna, Inay. Natatakot Ako na hindi Kayo natulog...»

«Tiningnan Kitang natutulog... Lagi Kong ginagawa iyan noong Ikaw ay maliit na bata pa. Lagi Kang ngumingiti sa Iyong tulog at ang ngiti Mong iyan ay nananatiling buong araw sa Aking puso katulad ng isang perlas... Ngunit kagabi, Anak, Ikaw ay hindi ngumingiti. Lagi Kang nagbubuntung-hininga katulad ng isang naghihirap...» si Maria, nasasaktan ang puso, ay tinitingnan Siya.

«Ako ay pagód, Inay. Ang mundo ay hindi katulad ng bahay na ito, kung saan ang lahat ay katapatan at pagmamahal. Kayo... Kayo nalalaman Ninyo kung sino Ako at kung gayon maiintindihan kung ano para sa Akin ang makahalubilo ang mundo. Ito ay katulad ng paglalakad sa tabi ng isang maruming maputik na daan. Kahit na kung maingat ang isang tao, matitilamsikan siya ng putik at ang amoy ay makakapasok sa kanya, kahit na kung magsikap siyang huwag huminga at kung siya ay isang tao na mahal ang kalinisan at ang purong hangin, maiimahina ninyo kung gaano ito magiging kaproble-problema...»

«Oo, Anak, naiintindihan Ko. Ngunit napamimighati Ako nito na kailangan Mong maghirap...»

«Ngayon ay kasama Ko Kayo at Ako ay hindi naghihirap. Naririyan lamang ang ala-ala... ngunit nagsisilbi itong mapalaki ang lugod ng pagiging kasama Kayo.» At si Jesus ay yumuyuko upang halikan ang Kanyang Ina.

³Hinahaplos din Niya ang isa pang Maria, na kapapasok pa lamang namumula, pagkatapos na sindihan ang apoy ng hurno.

«Kakailanganin natin na mapasabihan si Judas.» Iyan ang inaalaala ni Maria ni Alfeo.

«Hindi na iyan kinakailangan.. Si Judas ay mapupunta rito ngayong araw.»

«Papaano mo nalalaman?»

Si Jesus ay ngumingiti at tahimik.

«Anak, tuwing isang linggo, itong araw na ito, si Simon Pedro ay dumarating. Dumarating siya upang magdala ng isdang nahuli sa kaagahan ng gabi. At dumarating siya rito pagkatapos lamang ng pagsikat ng araw. Magiging masaya siya ngayon. Si Simon ay mabuti. Lagi siyang tumutulong sa amin, habang siya ay naririto. Hindi ba Maria?»

«Si Simon Pedro ay tapat at mabuti» sabi ni Jesus. «Ngunit ang isa ring Simon na Inyong makikilala mamaya, ay isang may mabait na pusong tao. Ako ay lalakad upang salubungin sila. Maaaring sila ay nasa malapit na.»

At si Jesus ay lumabas habang ang mga kababaihan, pagkatapos na mailagay ang tinapay sa hurno, ay pumasok sa bahay, kung saan si Maria ay nagsuot ang Kanyang mga sandalyas at bumalik nakasuot ng isang niyebeng-kaputian na linen na damit.

Mga ilang sandali ang dumaan at habang naghihintay, si Maria ni Alfeo ay nagsabi: «Nawalan ka na ng oras para matapos ang gawáin na iyan.»

«Matatapos na rin ito. At ang Aking Jesus ay magkakaroon ng kaginhawahan ng pandong nang hindi nahihirapan ang Kanyang ulo.»

Ang pinto ay itinulak mula sa labas. «Inay: naririto ang Aking mga kaibigan. Pasok kayo.»

Ang mga disipulo at ang mga pastol ay pumasok nang sabay-sabay. Si Jesus ay hinahawakan sa kanilang mga balikat ang dalawang pastol at pinasusunod sila patungo sa Kanyang Ina: «Naririto ang dalawang anak na naghahanap ng isang ina. Maging kanilang lugod, Babae.»

«Kayo ay malugod na tinatanggap... Ikaw?... Si Levi... Ikaw? Hindi Ko alam, ngunit ayon sa iyong edad, katulad ng sinabi Niya sa akin, ikaw ay maaaring si Jose. Ang pangalan na iyan ay magiliw at sagrado sa bahay na ito. Halikayo, halikayo. Ito ay may lugod na sinasabi Ko sa inyo: ang Aking bahay ay tinatanggap kayo at ang isang Ina ay niyayakap kayo, sa pag-alaala ng pagmamahal na ikaw sa iyong ama ay nagkaroon para sa Aking Anak.»

Ang mga pastol ay nabibighani, sila ay nagtatalik sa kagalakan.

«Oo, Ako si Maria. Nakita mo ang masayang Ina. Ako ay gayon pa rin. Ngayon din Ako ay masaya nakikita ang Aking Anak nasa pagitan ng matatapat na puso.»

«At ito si Simon, Inay.»

«Karapat-dapat ka ng grasya dahil ikaw ay mabuti. Alam Ko. At harinawang ang grasya ng Diyos ay laging mapasaiyo.»

Si Simon, na mas may karanasan sa mga kaugalian ng mundo, ay yumuko sa lupa, ang kanyang mga kamay naka-krus sa kanyang dibdib, at nagsabi: «Sumasaludo ako sa Inyo, totoong Ina ng Grasya at ngayon na nakilala ko na kapwa ang Liwanag at Kayo, Na mas mayumi pa kaysa sa buwan, hindi ako hihingi sa Eternal na Ama ng kahit ano pa.»

«At ito si Judas ng Kerioth.»

«Ako ay may ina ngunit ang aking pagmamahal para sa kanya ay naglalaho, kompara sa pagpipitagan na nararamdaman ko para sa Inyo.»

 «Hindi, hindi para sa Akin. Para sa Kanya. Ako ay ganito, dahil lamang Siya ay ganyan. Wala Akong gusto para sa Aking Sarili. Nakikiusap lamang Ako para sa Kanya. Alam Ko kung papaano mo pinarangalan ang Aking Anak sa iyong bayan. Ngunit sinasabi Ko sa iyo: gawin na ang iyong puso ang maging lugar mula kung saan matatanggap Niya ang pinakamataas na parangal mula sa iyo. Pagkatapos pagpapalain kita nang may makainang puso.»

«Ang aking puso ay nasa ilalim ng sakong ng Inyong Anak. Isang masayang paniniil. Tanging kamatayan lamang ang mag-aalis ng aking katapatan.»

«At ito ang ating Juan, Inay.»

«Ako ay hindi kailanman nag-alala mula nang malaman Ko na ikaw ay kasama ng Aking Jesus. Kilala kita at ang Aking puso ay nasa kapayapaan nang malaman Ko na ikaw ay kasama ng Aking Anak. Pinagpapala kita, Aking kapayapaan.» Hinahalikan Niya siya.

⁵Ang marahas na tinig ni Pedro ay maririnig mula sa labas: «Naririto ang abang si Simon nagdadala ng kanyang pagpapalà at...» Siya ay nakapasok at natulala.

Pagkatapos itinapon niya ang bilog na basket na nakabitin mula sa kanyang balikat at pagkatapos lumuhod siya nagsasabing: «Ah! Eternal na Panginoon! Ngunit...  Hindi, hindi sana Ninyo iyan ginawa sa akin, Guro! Kayo ay naririto... at hindi pinaalam ang kaawa-awang Simon! Pagpalain nawa Kayo ng Diyos, Guro! Gaano ako kasaya! Hindi ko na matiis na wala Kayo!» at kanyang hinahaplos ang kamay ni Jesus nang hindi Siya pinakikinggan Na pauli-ulit na nagsasabing: «Tumayo, Simon. Maaari bang tumayo ka?»

«Oo, ako ay tatayo. Ngunit... Hoy, ikaw, bata! (ang bata ay si Juan). Ikaw man lamang sana ay sinabihan ako! Ngayon takbo bilis. Pumunta sa Capernaum at sabihan ang iba... at ang sambahayan ni Judas una sa lahat.  Ang iyong anak ay parating na, babae maging mabilis. Isipin na lamang na ikaw ay isang liyebre na hinahabol ng mga aso.»

Si Juan ay tumatawang umalis.

Si Pedro ay tumayo sa wakas. Hawak-hawak pa rin niya ang manipis na kamay ni Jesus sa kanyang maikling makakapal na kamay, markado ng magang mga ugat, at hinahalikan niya ito nang hindi ito pinakakawalan, bagamat tila nananabik siyang iabot ang isda, na nasa basket sa sahig. «Eh! Hindi. Ayaw kong umalis Kayo uli na wala ako. Hindi na kailanman muli, hindi na kailanman muli nang ganyan katagal na hindi Kayo nakikita! Susundan ko Kayo katulad ng isang anino na sinusundan ang isang katawan at ng lubid sinusundan ang angkla. Saan Kayo nagpunta. Guro? Palagi kong iniisip: “O! Saan kaya Siya napunta? Ano kaya ang Kanyang ginagawa? At ang bata kayang iyon, si Juan, ay natitingnan Siya? Natitiyak kaya niya na si Jesus ay hindi napapagod nang labis? Na hindi Siya naiiwanan na walang pagkain?” Eh! Kilala ko Kayo... Kayo ay nabawasan ng timbang! Oo, nabawasan Kayo. Hindi niya Kayo inaalagaan nang mabuti! Sasabihin ko iyan sa kanya... Ngunit saan Kayo nagpunta, Guro? Wala Kayong sinasabi sa akin kahit ano!»

«Naghihintay Ako para sa iyo na bigyan mo Ako ng pagkakataon na makapagsalita ng isang salita!»

«Iyan ay totoo.  Ngunit... Ah! Ang makita Kayo ay katulad ng magkaroon ng bagong alak. Ito ay pumupunta sa iyong ulo tanging sa pamamagitan lamang ng amoy. O! Aking Jesus.» Si Pedro ay halos nalúluhá sa galak.

«Hinahanap-hanap din kita. Hinahanap-hanap Ko kayong lahat, bagamat kasama Ko ang mahal na mga kaibigan. Naririto, Pedro. Ang dalawang ito ay minahal Ako mula pa noong Ako ay isa pa lamang Bagong-Panganak na Sanggol. Mas mahigit pa nga! Sila ay naghirap dahil sa Akin. Naririto ang isang anak na nawalan ng ama't ina dahil sa Akin. Ngunit ngayon mayroon na siyang napakaraming mga kapatid sa inyong lahat, hindi ba?»

«Siyempre, Guro. Kung nagkataon, na ang Dimonyo ay minahal Kayo, mamahalin ko siya sapagkat minahal niya Kayo. Nakikita ko na ikaw din ay mahirap. Kung gayon tayo ay magkapareho. Halika rito na sana mahalikan kita. Ako ay isang mangingisda ngunit ang aking puso ay mas malambot pa kaysa sa isang kalapati. At ito ay sinsiro. Huwag mong pansinin kung ako ay magaspang. Ako ay matigas sa labas, sa loob ako ay lahat mantikilya at pulot. Ngunit kung kasama ko ang mabubuting tao... sapagkat kung ang kasama ko ay masasamâ...»

«At ito ang bagong disipulo.»

«Sa palagay ko nakita ko na siya...»

«Oo, siya ay si Judas ng Kerioth, at ang iyong Jesus ay tinanggap sa bayan na iyon dahil sa kanya. Hinihingi Ko sa inyo na magmahalan sa isa’t isa, kahit na kung kayo ay nagmula sa iba't ibang mga rehiyon. Kayong lahat ay magkakapatid sa Panginoon.»

«At tatratuhin ko siyang ganyan, kung siya ay magiging ganyan. Eh! Oo... (Si Pedro ay tinititigan si Judas, isang prangkong babalang sulyap), oo, mas mabuti pang sabihin ko nang ganyan, upang maintindihan mo ako kaagad at nang mabuti. Sasabihin ko sa iyo: hindi ko masyadong iniisip ang tungkol sa mga Judaean sa pangkalahatan, at ang tungkol sa mga mamamayan ng Herusalem lalo na. Ngunit ako ay tapat. At sa aking katapatan matitiyak ko sa iyo na itatabi ko ang lahat na ideang mayroon ako tungkol sa iyo, at na gusto ko lamang makita sa iyo ang isang kapatid na disipulo. Ito ay nasa sa iyo na ngayon na hindi ko baguhin ang aking isip at ang aking pasya.»

«Mayroon ka bang mga dati nang mga idea, Simon, magpatungkol din sa akin?» tanong ng Zealot ngumingiti.

«O! Hindi kita nakita. Magpatungkol sa iyo? O! wala. Ang katapatan ay nakaguhit sa iyong mukha. Ang kabutihan ay nanggagaling sa iyong puso, katulad ng matamis na nangangamoy na langis mula sa isang porosong plorera, at ikaw ay isang may-edad na lalaki, na hindi laging isang merito. Kung minsan, habang tumatanda ang isa, mas lalong sinungaling at malala siyang nagiging. Ngunit ikaw ay isa sa mga umaasal na katulad ng may-gulang na alak. Habang mas tumatanda sila, mas nagiging mabuti at mas puro sila .»

«Nakapaghusga ka nang tama, Pedro» sabi ni Jesus.

«Nakapaghusga ka nang tama, Pedro» sabi ni Jesus. ⁶«Ngayon halikayo. Habang ang mga babae ay nagtatrabaho para sa atin, tayo ay tumigil sa ilalim ng malamig na balag. Gaano kaganda ito na makasama ang mga kaibigan! Tayo pagkatapos ay magkakasamang pupunta sa buong Galilee at sa mas malayo pa. Bueno, hindi lahat. Ngayon na si Levi ay nakontento na, babalik na siya kay Elias upang sabihin sa kanya na si Maria ay nagpapahatid sa kanya ng Kanyang pagpapalà. Iyon ba ay tama, Inay?»

«Na pinagpapala Ko siya, pati na rin si Isaac at ang mga iba pa. Ang Aking Anak ay nangako na isasama Niya Ako sa Kanya... at pupunta Ako sa inyo, ang unang mga kaibigan ng Aking Sanggol.»

«Guro, gusto kong dalhin ni Levi kay Lazarus ang sulat na alam na Ninyo.»

«Ihanda mo iyan, Simon. Ngayon ay isang ganap na kapistahang araw. Si Levi ay aalis bukas nang gabi. Nasa oras lamang na makarating doon bago ang Sabbath. Halikayo, Aking mga kaibigan...»

Sila ay pumunta sa berdeng pangkusinang-hardin at ang lahat ay nagtatapos.

(477)190810/042713

 

Sunod na kabanata.