97.  Ang Tawag kay Mateo.

Pebrero 4, 1945.

¹Ngayong umaga nag-iisip akong muli tungkol sa sinabi ninyo kahapon noong binasa ang bisyon sa inyo. Kayo ay simpleng namangha. At sinabi ko kay Jesus Na nasa malapit sa akin.

Tumugon Siya sa akin: «Iyan kung bakit binigay Ko iyon. Hindi mo maiimahina kung gaano malugod Akong nagliliwanag para sa Aking totoong mga kaibigan. Ganyan Ko binibigay ang Aking Sarili sa Aking Romualdo, para sa kanyang lugod, pagmamahal at tulong, at dahil nakikita Ko siya. Wala Akong mga lihim para kay Juan. Wala Akong mga lihim para sa mga Juan. Sabihin sa matandang Juan na binibigyan Ko siya ng labis na kapayapaan at isang mabuting húli ng isda. Walang húli para sa iyo. Binibigay Ko lamang sa iyo ang pambabaeng gawain ng págsásala-salá ng mga lambat sa pamamagitan ng sinulid na binigay Ko sa iyo. Magtrabaho, magpatuloy sa pagtatrabaho... At huwag mag-alala kung wala ka nang panahon para sa iba pang mga bagay. Ang lahat ay nasa gawain na ito. At huwag mong ikalungkot kung Ako ay hindi dumarating at magsabi sa iyo: “Kapayapaan sa iyo”. Ang isa ay bumabati kapag ang isa ay dumarating o umaalis. Ngunit kapag ang mga tao ay laging magkasama, hindi nila binabati ang isa’t isa. Ang maging magkasama nang permanente ay kapayapaan. Ganyan ang Aking permanente. At Ako ay hindi mo panauhin. Ikaw sa totoo lang ay nasa Aking mga bisig at ni hindi kita binababa kahit isang sandali. Mayroon Akong labis na sasabihin sa iyo tungkol sa Aking mortal na mga araw! Ngunit, bueno, gagawin kitang masaya ngayon at sinasabi Ko sa iyo: “Harinawang ang Aking kapayapaan ay mapasaiyo”.»

Halos kaagad pagkatapos nakita ko ang sumusunod.

²Kami ay nasa liwasan muli ng palengke sa Capernaum. Ngunit mas mainit ngayong araw. Ang palengke ay tapos na at sa liwasan ay may ilan-ilan lamang na mga nag-iistambay nag-uusap-usap at ilang mga bata naglalaro.

Si Jesus, nasa gitna ng Kanyang grupo, ay parating mula sa lawa patungo sa liwasan, hinahaplos ang mga batang dumarating upang salubungin Siya at nagkaka-interes sa kanilang maliliit na putul-putol na mga balita. Ang isang maliit na batang babae ay nagpapakita ng isang malaking dumurugong gasgas sa kanyang noo at inaakusahan ang kanyang maliit na kapatid na lalaki na siyang may kagagawan.

«Bakit mo sinaktan ang iyong kapatid na babae? Hindi mo dapat ginagawa iyan.»

«Hindi ko iyon sinasadya. Gusto kong sungkitin ang mga igos na iyon at kumuha ako ng panungkit. Ngunit iyon ay napakabigat at bumagsak iyon sa kanya... Gusto ko ring sungkitin iyon para sa kanya...»

«Tama ba iyon, Johanna?»

«Oo, tama.»

«Bueno, kung gayon, nakikita mo na ang iyong kapatid na lalaki ay ayaw ka niyang saktan. Sa kabaligtaran gusto ka niyang maging masaya. Kung kaya't magkasundo at magpalitan kayo ng halik. Ang mabubuting magkakapatid, at lahat na mabubuting bata, ay hindi dapat nagkikimkim ng masamang loob. Sige na...»

Ang dalawang umiiyak na mga bata ay nagpalitan ng halik. Kapwa sila umiiyak: ang isa dahil sa pahirap ng gasgas, ang isa pa dahil nalulungkot siya na nagawa niya ang kirot.

Si Jesus ay ngumingiti sa mga halik na may wisik ng mga luha. «Bueno. Ngayon na nakikita Ko na kayo ay nagpapakabuti, pipitasin Ko ang mga igos para sa inyo. At walang panungkit.» Hindi kataka-taka! Matangkad katulad Niya at may mahahabang braso, magagawa Niya ito nang walang kahit anong problema. Namitas Siya at namigay.

Ang isang babae ay nagmadali sa lugar. «Kunin Ninyo, kunin Ninyo, Guro. Magdadala ako kaagad ng isang tinapay.»

«Hindi, hindi para sa Akin. Ito ay para kay Johanna at Toby. Gusto nila ito.»

«At inabala ninyo ang Guro? O! Gaano silang sakit ng ulo! Patawarin sila, aking Panginoon.»

«Babae, may kapayapaan na kailangang magawa... at ginawa Kong mangyari iyon sa pamamagitan mismo ng kanilang pinag-awayan: ang mga igos. Ang mga bata ay hindi kailanman sakit ng ulo. Gusto nila ang matamis na mga igos at Ako... gusto Ko ang kanilang inosenteng mga kaluluwa. Naaalis nila ang labis na kapaitan mula sa Akin...»

«Guro... ang may mga pangalan ang hindi sa Inyo nagmamahal. Ngunit kaming, mahihirap, ay nagmamahal sa Inyo. At sila ay napakakaunti, samantalang kami ay napakarami...»

«Alam Ko, babae. Maraming salamat sa iyong pagpapalakas-ng-loob. Ang kapayapaan ay sumaiyo. Paalam, Johanna! Paalam, Toby! Maging mabuti. Huwag kayong makásakítan at huwag magtanim ng masamang loob. Oo?»

«Oo, Jesus» tugon ng mga bata.

³Si Jesus ay umalis at sinabi Niyang ngumingiti: «Ngayon na sa tulong ng mga igos nalinisan natin ang kalangitan ng lahat ng mga ulap, tayo ay pupunta sa... Saan sa palagay ninyo tayo pupunta?»

Ang mga apostol ay hindi alam. Ang ilan ay nagbabanggit ng isang lugar, ang ilan ay ibang lugar. Ngunit si Jesus ay iniiling ang Kanyang ulo sa tuwing nagbabanggit ng lugar at tumatawa.

Si Pedro ay nagsabi: «Ayaw ko na. Maliban na sabihin Ninyo sa amin... Masama ang gana ko ngayon. Hindi Ninyo siya nakita. Ngunit noong pababa tayo sa bangka, si Eli, ang Pariseo, ay naroon. At siya ay berde sa inggit... higit pa kailanman! At ang pagkatingin niya sa atin!»

«Hayaan siyang tumingin.»

«Eh! Iyan lang ang ating magagawa. Ngunit matitiyak ko sa Inyo, Guro, na dalawang igos ay hindi sasapat upang makagawa ng kapayapaan sa kanya!»

«Ano ang sinabi Ko sa ina ni Toby? “Gumawa Ako ng kapayapaan sa pamamagitan ng kanila mismong pinag-awayan”. At susubukan Kong gumawa ng kapayapaan sa pagbibigay ng Aking mga paggalang sa matataas na mga tao ng Capernaum, sa dahilan na sa pakiramdam nila sinaktan Ko sila. Kung gayon mayroong magiging masaya.»

«Sino?»

Si Jesus ay hindi tumutugon at Siya ay nagpapatuloy: «Baka hindi Ako magiging matagumpay, sapagkat ayaw nilang makipagbatì. Ngunit makinig: kung sa lahat ng mga págtatagísan ang mas marunong sa dalawa ay magbibigay, at sa halip na gustuhin na siya ay tama, nakipagkasundo siya, kahit paghatian kung ano ang, tatanggapin Ko rin, baka pag-aari niya gawa ng ganap na karapatan, ang sitwasyon ay magiging mas mabuti at mas banal na sitwasyon. Ang mga tao ay talagang hindi laging nananakit nang sadya. Kung minsan nakapananakit ang isa nang hindi ito ginugusto. Kailangan na lagi ninyong isipin iyan at magpatawad. Si Eli at ang iba pa ay kumbinsido na napaglilingkuran nila ang Diyos nang may katarungan sa pag-akto katulad ng ginagawa nila. Nang may tiyaga at pagpupursige, at nang may pagpapakumbaba at mabuting pakikitungo, pagsisikapan Kong makumbinsi sila na ang bagong panahon ay dumating na at na ang Diyos, ngayon, ay gustong mapagsilbihan ayon sa Aking pagtuturo. Ang mabuting pakikitungo ay ang katusuhan ng isang apostol, pagpupursige ang kanyang armas, ang kanyang halimbawa at mga panalangin para sa mga kukumbertihin ay ang kanyang tagumpay.»

⁴Nakarating sila sa liwasan. Si Jesus ay pumunta nang tuwiran sa mesa ng pagbubuwis kung saan si Mateo ay inaayos ang kanyang mga listahan at binibilang ang pera na kanyang pinaghihiwa-hiwalay sa iba't ibang denominasyon at inilalagay sa mga bag ng iba't ibang mga kulay, at pagkatapos sa metal na kahon, na hinihintay ng dalawang katulong upang dalhin sa kung saan.

Nang kaagad ang anino ng mataas na pigura ni Jesus ay tumama sa mesa, tumingala si Mateo upang tingnan kung sino ang huling magbabayad ng buwis. Pansamantala si Pedro, hinahatak ang manggas ni Jesus, ay nagsabi: «Walang pagbabayad na kailangang gawin, Guro. Ano ang Inyong ginagawa?»

Ngunit si Jesus ay hindi nakikinig sa kanya. Tinititigan Niya si Mateo na napatayo na kaagad sa magalang na aktitud. Isang mas matagal pang nanlalagos na sulyap. Ngunit ito ay hindi ang sulyap ng isang kahigpit na hukom, katulad nang nakaraan. Ito ay isang sulyap ng isang tawag at pagmamahal. Ito ay pinagtatalik siya sa kaligayahan at pinupuno siya ng pagmamahal. Si Mateo ay namumula. Hindi niya malaman kung ano ang kanyang gagawin o ano ang kanyang sasabihin...

«Mateo, anak ni Alfeo, ang iyong oras ay pumapatak. Halika. Sundan Ako!» utos ni Jesus nang mahestuwoso.

«Ako? Guro, Panginoon! Ngunit kilala ba Ninyo kung sino ako? Sinasabi ko iyan alang-alang sa Inyo, hindi para sa akin...»

«Halika, sundan Ako, Mateo, anak ni Alfeo» inuulit Niya nang mas may-kabaitan.

«O! Papaano ako nakatagpo ng grasya sa harapan ng Diyos? Ako... Ako...»

«Mateo, anak ni Alfeo, nakita Ko ang iyong puso. Halika, sundan Ako.» Ang pangatlong paanyayang ito ay isang haplos.

«O! Kaagad, aking Panginoon!» at si Mateo, umiiyak, ay lumabas mula sa likuran ng mesa, nang hindi na iniintindi na pulutin ang mga salaping nakakalat sa ibabaw o isara ang metal na kahon. Wala. «Saan tayo pupunta, aking Panginoon?» nagtatanong siya noong malapit na siya kay Jesus. «Saan Ninyo ako dadalhin?»

«Sa iyong bahay. Magbibigay ka ba ng ospitalidad sa Anak ng tao?»

«O!... ngunit... ngunit ano ang sasabihin ng mga napopoot sa Inyo?»

«Pinakikinggan Ko kung ano ang sinasabi sa Langit at sinasabi nila doon: “Kaluwalhatian sa Diyos para sa isang makasalanan, na naililigtas!” at ang Ama ay nagsasabi: “Ang awa ay tataas magpakailanman sa Langit at magpapaligid-ligid sa ibabaw ng lupa, at sa dahilan na minamahal kita nang may isang eternal na perpektong pagmamahal, maaawa rin Ako sa iyo”. Halika. At sa pamamagitan ng Aking pagpunta, pati na rin ng iyong puso, harinawang ang iyong bahay ay mapabanal.»

«Napadalisay ko na ito, dahil sa isang pag-asa na nagkaroon ako sa aking puso... ngunit hindi ko ito rasonableng mapaniwalaan na ito ay magkakatotoo... O! Ako kasama ang Inyong banal na mga kaibigan...» at tinitingnan niya ang mga disipulo.

«Oo. Kasama ang Aking mga kaibigan. Halika. Pagsasamahin Ko kayo. Maging katulad ng magkakapatid.»

Ang mga disipulo ay takang-taka, na hindi pa sila magpahanggang ngayon makapagsalita. Sa isang grupo, sila ay naglakad sa likuran ni Jesus at ni Mateo sa ilalim ng matingkad na sikat ng araw sa liwasan, kung saan wala ni isang kaluluwa ang naiwan, at pagkatapos nang maikling distansiya sa tabi ng isang kalsada na nasusunog sa ilalim ng umaapoy na araw. Wala ni isang kaluluwa sa mga kalsada. Wala bagkus ang sikat ng araw at alikabok.

⁵Pumasok sila sa isang bahay. Isang magandang bahay na may isang malaking pinto sa harapan na nagbubukas patungo sa daan. May isang malamig na malilim na bulwagan, sa kabila nito kung saan nakikita ko ang isang malaking yarda na alaga bilang isang hardin.

«Pasok, aking Guro! Magdala ng tubig at mga inumin.»

Ang mga katulong ay dinala kaagad kung ano ang hiningi.

Si Mateo ay lumabas upang magbigay ng mga tagubilin, habang si Jesus at ang Kanyang mga disipulo ay pinalalamigan ang kanilang mga sarili. Pagkatapos siya ay bumalik. «Halina Kayo ngayon, Guro. Ang silid-kainan ay mas malamig... Ang aking mga kaibigan ay darating... O! Gusto ko ang isang malaking selebrasyon! Ito ang aking rehenerasyon... ito ang aking... ang aking totoong sirkunsisyon... Wala nang makamundong mga kapistahan... Tanging isang panloob na pagbubunyi lamang sapagkat ako ay natubos at naglilingkod sa Inyo... at ako ay minamahal Ninyo... Gaano akong umiyak... Gaano, sa loob ng nakaraang mga buwan... Ako ay umiiyak sa loob ng halos tatlong buwan... Hindi ko malaman kung ano ang aking gagawin... Gusto kong sumama... Ngunit papaano ko gagawin, kasama ang aking di-malinis na kaluluwa, na pumunta sa Inyo, ang Banal na Isa?...»

«Nililinis mo iyon ng iyong pagsisisi at karidad. Patungo sa Akin at sa iyong kapwa. Pedro? Halika rito.»

Si Pedro, na labis na nagtataka na hindi pa siya nakapagsalita ng kahit isang salita, ay lumapit. Ang dalawang lalaki, kapwa may-edad, matipuno at mataba, ay ngayon magkaharap, at si Jesus, makisig at ngumingiti, ay nasa pagitan nila.

«Pedro, tinanong mo Ako nang maraming beses kung sino ang di-kilalang tao ng lukbutan na madalas binibigay ni Santiago sa atin. Naririto siya, sa harapan mo.»

«Sino? Ang magnanakaw... O! Patawarin mo ako, Mateo! Sino ang mag-aakalang ikaw iyon? Na magagawa mong punitin ang kapiraso ng iyong puso tuwing linggo at gawin ang mayamang alay na iyon, ikaw na aming kunsumisyon dahil sa iyong usurya?»

«Alam ko. Binuwisan ko kayo nang di-makatarungan. Ngunit ngayon, lumuluhod ako sa harapan ninyong lahat at sinasabi ko sa inyo: huwag ninyo akong tanggihan! Ako ay tinanggap na Niya. Huwag maging mas mahigpit pa kaysa sa Kanya.»

Si Pedro, na nakita si Mateo na nasa kanyang paanan, ay bigla na lamang niyang binuhat sa katawan si Mateo, nang may kagaspangan ngunit madamdamin: «Tumayo ka. Hindi mo kailangan na humingi sa akin o sa iba na patawarin ka. Sa Kanya ka kailangan humingi niyan. Kami... bueno, hindi na bale, kami ay humigit-kumulang mga magnanakaw katulad mo... O! Nasabi ko na ito! Isumpa ang aking dila! Ngunit iyan ay ako: sinasabi ko kung ano ang nasa isip ko, at kung ano ang nasa aking puso ay nasa mga labí ko rin. Halika, gumawa tayo ng kasunduan ng kapayapaan at pagmamahal» at kanyang hinahalikan si Mateo sa kanyang mga pisngi.

At ang iba ay iyon din ang ginagawa, humigit-kumulang madamdamin. Iyan ang sinasabi ko, sapagkat si Andres ay medyo may pagpipigil, dala ng pagkamahiyain, at si Judas ng Kerioth ay may kalamigan. Tila niyayakap niya ang isang bungkos ng mga ahas, napaka tikal at sandali ang kanyang yakap.

⁶Si Mateo ay nakarinig ng isang ingay at lumabas.

«Guro» sabi ni Judas Iskariote «Hindi sa palagay ko mabuti iyan. Ang mga Pariseo ay inaakusahan na Kayo, at Kayo.... Isang kolektor ng buwis bilang isa sa Inyong mga disipulo! Isang kolektor ng buwis... pagkatapos ng isang puta!... Gusto ba Ninyong sirain ang Inyong Sarili? Kung ganyan, sabihin sa amin, upang...»

«Upang mapaunti natin ang ating mga sarili, iyan ba iyon?» hinuha ni Pedro nang may panunuya.

«Sino ang nakikipag-usap sa iyo?»

«Alam ko na hindi ka nakikipag-usap sa akin, ako, sa halip, ay nakikipag-usap sa iyong nobleng kaluluwa, sa iyong pinaka puro at marunong na kaluluwa. Alam ko na ikaw, isang miyembro ng Templo, ay naaamoy ang baho ng kasalanan sa aming abang mga tao, na hindi mga taga-Templo. Alam ko na ikaw, isang ganap na Judaean, may halo ng Pariseo, Saduseo at Herodian, kalahating eskriba at may isang pasada ng Essene – gusto mo pa ba ng mas marami pang nobleng mga salita? – alam ko na hindi ka mapakali sa amin at katulad mo ang isang magandang alose na isda na nahúli sa isang lambat na punó ng mga gudgeon na isda. Ano ang magagawa natin? Nahúli Niya tayo at tayo... ay nananatili. Kung hindi ka mapakali... mas mabuti pang umalis ka. Magkakaroon kami ng kaunting kapahingahan. Siya rin, kita mo, ay naiinis sa akin at sa iyo. Sa akin dahil nagkukulang ako ng pasyensiya at... oo, ng karidad din, ngunit mas lalo na sa iyo, sapagkat wala kang naiintindihan, sa kabila ng lahat ng iyong mga katangian, at wala ka ni karidad, o kababaang-loob, o paggalang. Wala ka kahit na ano, aking bata. Maliban sa dami ng mainit na hangin... at ipagkaloob ng Diyos na hindi iyan nakakapinsala.»

Si Jesus ay pinabayaan si Pedro na makapagsalita habang Siya ay nakatayo na nakakursomano, nakadiin ang mga labì, may mahigpit na tingin at nanlalagos na mga mata. Sa katapusan sinabi Niya: «Nakatapos ka na ba, Pedro? Nalinis mo na rin ba ang iyong puso ng lebadura na nasa loob nito? Nagawa mo ba ang tamang bagay. Ngayon ay Paskuwa para sa isang anak ni Abraham. Ang tawag ng Kristo ay katulad ng dugo ng kordero sa inyong mga kaluluwa, at kung nasaan ang Kanyang tawag, doon ay wala nang mga kapintasan. Wala nang kapintasan kung siya na tumatanggap nito ay tapat dito. Ang Aking tawag ay katubusan at kailangan na ipagdiwang nang wala kahit na anong lebadura.»

Wala ni isang salita na sinabi kay Judas. Si Pedro ay tahimik at napahiya.

«Ang ating may-handa ay bumabalik» sabi ni Jesus. «At may kasamang ilang mga kaibigan. Huwag tayong magpakita sa kanila ng kahit ano bagkus birtud. Ang hindi makagagawa ng ganyan, ay kailangan na lumabas. Huwag maging katulad ng mga Pariseo, na naniniil ng mga tao sa pamamagitan ng mga alituntunin na hindi nila mismo masunod.»

⁷Si Mateo ay bumalik may kasamang ibang mga lalaki at ang bangkete ay nagsimula. Si Jesus ay nasa gitna sa pagitan nina Pedro at Mateo. Sila ay nagsasalita tungkol sa maraming bagay at si Jesus ay may tiyagang nagpapaliwanag sa isang ito o sa isang iyon kung ano ang gusto nilang malaman. May mga reklamo rin tungkol sa mga Pariseo na nanghahamak sa kanila.

«Bueno, pumunta sa Kanya Na hindi nanghahamak sa inyo. At umasal sa isang paraan na ang mabubuting tao man lamang ay hindi sana kayo hamakin» tugon ni Jesus.

«Kayo ay mabuti. Ngunit Kayo lamang ang tanging isa!»

«Hindi. Ang mga ito ay katulad Ko at pagkatapos... nariyan ang Amang Diyos Na nagmamahal sa kanya na nagsisisi at ibig na maging Kanyang kaibigan muli. Kung ang tao ay nagkukulang ng lahat, ngunit nananatili pa rin ang Ama, ang lugod ba ng tao ay hindi magiging punó?»

⁸Ang bangkete ay nasa katapusan na noong ang isang katulong ay tumango sa may-ari ng bahay at may sinabing isang bagay sa kanya.

«Guro: sina Eli, Simon at Joachim ay nakikiusap na makapasok at makipagusap sa Inyo. Gusto ba Ninyong makita sila?»

«Walang duda.»

«Ngunit... ang aking mga kaibigan ay mga kolektor ng buwis.»

«At iyan ang kanilang ipinunta upang makita. Hayaang makita nila. Walang kabuluhan ang itago ito. Walang magagawang mabuti iyan, sapagkat ang masasamang dila ay gagawing mas malala ang sitwasyon magsasabing may mga puta rin dito. Pabayaan silang makapasok.»

Tatlong Pariseo ang pumasok, tumitingin sila sa paligid nang may nanunuyang mga ngiti at magsasalita na sana.

Ngunit si Jesus, Na nakatayo na at lumapit upang salubungin sila kasama si Mateo, ay naunahan sila. Nagpatong Siya ng isang kamay sa balikat ni Mateo at nagsabi: «O totoong mga anak ng Israel, sumasaludo Ako sa inyo at binibigyan Ko kayo ng isang piraso ng balita na magdadala ng malaking lugod sa inyong mga puso, mga puso ng perpektong mga Israelita, na nananabik para sa pagsunod sa Batas sa bawat puso, upang mabigyan ng kaluwalhatian ang Diyos. Naririto: si Mateo, ang anak ni Alfeo, magmula ngayon ay hindi na ang makasalanan, ang iskandalo ng Capernaum. Ang dusdusing tupa ng Israel ay nagamot na. Magbunyi! Pagkatapos niya, ang iba pang dusdusing mga tupa ay mapagagaling at ang inyong bayan, na ang kabanalan nito kayo ay interesadung-interesado, ay magiging kaaya-aya sa Diyos para sa kabanalan nito. Iniiwan niya ang lahat upang paglingkuran ang Diyos. Ibigay ang halik ng kapayapaan sa Israelita na naligaw, na bumabalik sa sinapupunan ni Abraham.»

«Siya ba ay bumabalik kasama ang mga kolektor ng buwis? Sa isang malugod na bangkete? O! Ito nga ay totoong mabiyayang kombersiyon! Tingnan sa banda roon, Eli: iyan ay si Josiah, ang tagakuha ng mga babae.»

«At iyon ay si Simon ni Isaac, ang adultero.»

«At ang isang iyon? Iyan ay si Azariah, ang namamahala ng sugalan, na sa kaninong sugalan ang mga Romano at mga Judaean ay naglalaro, nag-aaway at pumupuntang may kasamang mga babae.»

«Guro, kilala ba Ninyo kung sino ang mga iyan? Kilala Ninyo?»

«Kilala Ko.»

«Bueno, kung gayon, bakit kayong mga tao ng Capernaum, kayong mga disipulo, bakit ninyo pinahintulutan ang lahat ng ito? Ako ay nagtataka sa iyo, Simon ni Jonas!»

«At ikaw, Felipe, ikaw ay kilala rito, at ikaw, Natanael, ako ay nasusorpresa! Ikaw, isang totoong Israelita! Bakit pinabayaan mo ang iyong Guro na kumain kasama ang mga kolektor ng buwis at mga makasalanan?»

«Wala na bang pagpipigil sa Israel?» Ang tatlong Pariseo ay ganap na naiiskandalo.

Si Jesus ay nagsabi: «Pabayaan sa kapayapaan ang Aking mga disipulo. Ginusto Ko ito. Ako lamang.»

«Kitang-kita! Kapag ang isa ay umaaktong isang santo at hindi isang santo, siya ay bumabagsak sa di-mapapatawad na mga pagkakamali!»

«At kapag ang mga disipulo ay tinuturuan na hindi gumalang, sila ay walang galang kahit na sa Batas. Nararamdaman ko pa ang kawalang paggalang na tawanan sa akin, si Elli, ang Pariseo, mula sa taong ito, isang Judaean ng Templo. Ang itinuturo ng isa ay kung ano ang nalalaman niya.»

«Nagkakamali ka, Eli. Kayong lahat ay mali. Tinuturo ng isa kung ano ang nalalaman niya. Iyan ay totoo. At nalalaman Ko ang Batas at tinuturuan Ko ang mga hindi nag-aalam nito, ibig sabihin, ang mga makasalanan. Alam Ko na kayo ay mga guro na ng inyong mga kaluluwa. Ang mga makasalanan ay hindi. Hinahanap Ko ang kanilang mga kaluluwa, na Aking binibigay ulit sa kanila, upang sana madala nila silang muli sa Akin, dahil sila ay: may sakit, sugatán, narumihan at mapagaling at malinisan Ko sana sila. Ako ay naparito para diyan. Ang mga makasalanan ang nangangailangan ng Tagapagligtas. At Ako ay naparito upang iligtas sila. Subukan at unawain Ako... at huwag Akong kapootan nang walang dahilan.»

Si Jesus ay malumanay, nakakakumbinsi, mapagkumbaba... Ngunit ang tatlong Pariseo ay matitinik na halaman na punó ng tibô... at sila ay umalis nagpapakita ng pagkainis.

«Sila ay nakaalis na... Tayo ngayon ay pipintasan kahit saan» bulong ni Judas Iskariote.

«Gawin nila ang gusto nila. Tiyakin na ang Ama ay hindi kayo pinipintasan. Huwag kang mabalisa, Mateo, o kayo, kanyang mga kaibigan. Ang ating mga konsiyensya ay nagsasabi: “Huwag makapinsala”. Sapat na iyan.»

Si Jesus ay naupo at ang lahat ay nagtatapos.

(511) 250810/050613

Sunod na kabanata.